Dela Rosa, kinuwestyon ang PNP tungkol sa mahigit P1-B unspent funds

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Senador Ronald Dela Rosa

Kinuwestyon ni Senate Public Order Committee chairman Ronald “Bato” Dela Rosa ang Philippine National Police (PNP) tungkol sa 2019 Commission on Audit Report na nagsasabing mayroong P1 bilyong halaga ng undelivered equipment ang ahensya.

Tinanong ito ng senador sa isinagawang pagdinig ng Senado hinggil sa PNP modernization noong Martes.

Ayon kay Dela Rosa, base sa report, nakapag-transfer ang PNP ng P1.347 bilyon sa Philippine International Trading Corporation para sa pagbili ng crime fighting equipment tulad ng utility trucks at grenade launchers.

Subalit, ayon sa report noong 2019, P311 milyong halaga ng equipment lamang ang nai-deliver sa PNP. Dahil dito, sinabi ng senador na nahihirapan siyang depensahan sa kapwa mambabatas kung bakit dapat taasan ang badyet ng PNP.

Aniya, “Tinitignan palagi ng Congress, iyan palagi ang ibubutas sa inyo ng Congress bakit iyong pera na binigay namin sa inyo ‘di niyo pa napambili? Ngayon hingi na naman kayo ng pera na napakalaki sa modernization.”

Ipinaliwanag naman ng PNP na ipinasa nito sa PITC ang responsibilidad ng procurement upang makaiwas sa mga problemang ligal.

“That time sir, iniiwasan ng PNP na magkakaso. So nagpile up, nag-accummulate. For today, and even during your time, talagang tayo na nagpo-procure… And the rate of our obligation and utilization has greatly improved,” wika ni PNP Crime Laboratory Director BGen Steve Ludan.

“As much as possible, ‘wag na mag-resort sa PITC kasi may charges pa na kinukuha doon, ayaw natin mangyari iyon,” dagdag pa nito.

Ibinahagi rin ni Dela Rosa ang kanyang sariling karanasan sa PITC noong siya’y nanunungkulan pa bilang PNP Chief.

“PITC was pushing for ganito ganoong procurement. Alam mo, sabi ko, alam mo sir kahit na dalawang araw tayo magdiscussion dito, hinding-hindi ako magi-give in sa insinuation niyo dahil sabi ni President (Rodrigo) Duterte dapat ang ipo-procure natin ay kung ano iyong maganda, kapaki-pakinabang sa PNP, at hindi malulugi ang gobyerno kaya I had to stick with this kind of item na dapat makuha namin,” paliwanag ni Dela Rosa.

Dagdag pa nito, “Dapat kayo ganoon din, wag kayo mag-surrender sa kanila kagad. You fight for your funds. Gamitin ninyo. Ang problema lang sa inyo pag mabagal kayo, aabutan na kayo ng siyam-siyam. Para ‘di maabutan ang pondo ibalik sa national treasury, pinapasa nyo sa PITC.”

Pinagsabihan ng senador kinalaunan ang pulisya na magtalaga ng matapang ngunit hindi kurakot na mga opisyal sa Bids and Awards Committee ng PNP.

“Dapat number one, i-consider ninyo ang ilagay nyo na members ng BAC mga opisyal na aside matino, ayaw gumawa ng corruption, may b***g na tumatayo na tama ang ginagawa nila para mabilis iyong… hindi iyong papasa nyo lang sa PITC kasi takot kayo magkakaso. That’s very wrong. Very wrong ‘yan,” diin ni Dela Rosa.

Samantala, sinabi naman ng PNP na ang nabili nitong body cameras na gagamitin para sa police operations ay nakahanda nang i-deliver.

Binanggit ni Police Deputy Director for Logistics BGen Herminio Tadeo Jr. na iu-update nila si Dela Rosa kapag dumating na ang nasabing mga body camera.

“Panahon ko pa iyon (na Chief PNP). Naka-limang Chief PNP na hindi pa rin nadeliver. Please follow up. Gusto ko makakita ng legitimate anti-drug operationg ng PNP na may suot na body-worn camera because that is a big clamor by the public,” tugon naman ng senador.

LATEST

LATEST