Roque: Pamilya ng uniformed personnel, isasama sa Covid-19 vaccine priority list dahil sa ‘sobrang’ bakuna

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Habang hindi pa available nang buo ang Covid-19 vaccines para i-rollout sa bansa, sinabi ng Malacañang na maaaring mapabilang sa priority list ng vaccination ang mga kapamilya ng uniformed personnel.

Sa kanyang briefing noong Lunes, idiniin ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang naunang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga pulis at sundalo ay kabilang sa mga mauunang bakunahan kontra Covid-19 nang libre, kasama ang kanilang pamilya.

Ayon kay Roque, may sapat na suplay ng bakuna kahit pa isasama ang pamilya ng uniformed personnel. Posible umanong makapagdagdag pa ng dalawang milyong bakuna para sa hanggang tatlong miyembro ng pamilya ng mga pulis at sundalo. Subalit, hindi pa malinaw kung parte ito ng hakbang ng gobyerno na kumalap ng 148 milyong vaccines doses para sa mga Pilipino sa pagtatapos ng taon.

Aniya, “Huwag kayong mag-alala kasi sa ating initial list, 24 million ang ating babakunahan. If at all, siguro madadagdagan pa po ito ng mga 2 million if there are three members of the family of men in uniform.”

“Sobra sobra naman na yung inaasahan nating darating na bakuna by the second or third quarter of the year,” dagdag pa ni Roque.

Hindi pa malinaw kung bakit sinasabi ni Roque na magkakaroon ng extra vaccines sa ikalawa o ikatlong quarter, samantalang ang inisyal na listahan ay mayroon lamang 24 milyong katao o mas konti sa quarter ng populasyon ng bansa na nasa 110 milyon.

Ayon naman kay Vaccine czar Carlito Galvez Jr., base sa kasalukuyang mga negosasyon, inaasahan ng pamahalaan na makabibili ito nang hindi bababa sa 148 milyong bakuna mula sa pitong vaccine manufacturers. Kung maisasakatuparan ang planong ito, tinatayang nasa 50 hanggang 70 milyong Pilipino ang mababakunahan sa dulo ng 2021. Target ng pamahalaan na bakunahan ang hindi bababa sa 60 hanggang 65 percent ng populasyon upang makamtan ang “herd immunity.”

“Hindi naman po nagbabago, ang ineexpand lang niya iyong mga pamilya ng mga kasundaluhan,” paliwanag ni Roque.

“And that’s out of recognition of the President na talagang importante ang papel na ginagampanan ng acting men in uniform because theirs is the maintenance of peace and order of the society,” dagdag pa nito.

Iginiit ni Roque na bagama’t “advisory” lamang ang naging pahayag ng pangulo, ang mga desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases ay “in fact implemented, because of the President’s actions and pronouncements.”

Gayunpaman, pagpapasyahan pa aniya ng IATF kung ipatutupad ang mga sinabi ni Duterte.

LATEST

LATEST

TRENDING