Robredo, hinimok si Duterte na magpabakuna kontra Covid-19 sa harap ng publiko

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo at Pangulong Rodrigo Duterte
Larawan mula sa: ABS-CBN

Para kay Pangalawang Pangulo Leni Robredo, dapat maunang magpabakuna kontra Covid-19 si Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng publiko bago ang iba, upang madagdagan ang kumpiyansa ng taumbayan para sa bakuna.

Sa kanyang radio show na Biserbisyong Leni noong Linggo, nanawagan si Robredo kay Duterte na ipagbigay-alam nang real-time kapag babakunahan na ito ng Covid-19 vaccine upang mapanumbalik ang pagtitiwala ng publiko sa mga bakuna, tulad ng ginawa ng ibang mga lider sa ibang bansa. Iginiit din ni Robredo na kung ayaw ng pangulo, siya na lamang ang mauuna.

Aniya, “Iyong sinasabi lang natin, mahalaga kasing Pangulo talaga iyong mauna. Kung ayaw niya, ako willing naman akong mauna,” Robredo said.

“Pero iyong sinasabi lang natin mahalaga kasi nakita naman natin, ginawa ito sa maraming bansa. Ginawa ito sa lahat ng bansa para ma-boost iyong confidence ng tao sa bakuna kasi marami ngayong pangamba sa safety nito.”

“Iyong sa akin lang, kailangang ipaklaro sa tao, ano ba talaga ang kalagayan ng iba’t ibang klase ng bakuna?” dagdag pa nito.

Inihayag ng Malacañang noong Martes na pumapayag si Duterte na magpabakuna ng CoronaVac mula China, subalit hindi na umano ito dapat pang isapubliko. Unang naiulat na ang naturang bakuna ay mayroong 50% efficacy, mas mababa sa Western brands tulad ng Pfizer-BioNTech at Moderna vaccines na parehong mahigit 95% ang efficacy rate base sa datos.

Iaanunsyo naman umano ang vaccination ng pangulo matapos itong isagawa, ani Roque.

Idiniin naman ni Robredo na hindi na kailangan ang public vaccination sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan kung may kumpiyansa ang mga Pilipino sa mga bakuna. Binanggit nito ang iba’t-ibang world leaders na nagpabakuna sa harap ng telebisyon upang hikayatin ang mga mamamayan na magpabakuna. Kabilang dito sina US President Joe Biden at dating Vice President Mike Pence, Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong, at Indonesian President Joko Widodo.

“Si President Biden nagpaturok. Si former Vice President Mike Pence nagpaturok…Nakita natin sa Indonesia, Singapore. Napakaraming lugar na heads of state ang nauuna. Kasi ang mensahe nito wala kayo dapat ikatakot,” sabi ni Robredo.

“Kung hindi naman takot ang tao hindi naman kailangang ipag-public iyong pagpapaturok. Kailangan lang, public ang pagpapaturok as a symbol na wala dapat ikatakot,” dagdag pa nito.

Ayon sa kamakailang survey ng Pulse Asia, halos kalahati ng mga Pilipino ang nagsabing ayaw nilang magpabakuna kontra Covid-19 dahil sa agam-agam hinggil sa kaligtasan nito.

LATEST

LATEST