Malacañang, hinimok ang China na sumunod sa UNCLOS at Code of Conduct

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Xi Jinping ng China (kaliwa) at Pangulong Rodrigo Duterte (kanan)
Kuha ni: Mark R. Cristino (Pool Photo via AP)

Nanawagan ang Malacañang sa China na iwasan ang paggamit ng dahas sa mga foreign vessels na pumapasok sa pinag-aawayang karagatan, isang hakbang na posibleng makadagdag sa tensyon ng mga nag-aagawang bansa sa ilalim ng bagong Coast Guard Law ng China.

Sa kanyang briefing noong Lunes, idiniin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang China, kasama ang iba pang mga bansa, ay dapat sumunod sa South China Sea Code of Conduct at sa United Nations Convention on the Law of the Sea.

“Iyang mga batas pong ‘yan ay kinakailangan sumunod pa rin sa mga obligasyon sang-ayon sa UN Convention on the Law of The Sea kung saan kasapi po ang Tsina,” giit ni Roque.

Ayon sa opsiyal, ang paggamit ng karahasan ay “generally prohibited,” at dapat lamang gawin kung “necessary, proportional, and when authorized by the UN Security Council.”

Noong nakaraang linggo, nagpasa ang China ng bagong batas na nagpapahintulot sa coast guard nitong magpaputok sa mga foreign vessels na pumapasok sa pinag-aagawang teritoryo. Ang Coast Guard Law, na magiging epektibo simula Pebrero 1, ay nagbibigay awtoridad din sa coast guard na wasakin ang anumang foreign structures na nakatayo sa Chinese-claimed reefs at islands upang gawing exclusion zones na layong itaboy ang foreign vessels.

“Sana po walang gagawin ang kahit anong bansa sa usapin ng West Philippine Sea na lalong magpapalala pa ng sitwasyon,” wika ni Roque.

Ang UNCLOS ay nagsisilbing international treaty na layong itatag ang coastal at maritime boundaries at i-regulate ang seabed exploration sa labas ng territorial claims.

Samantala, kasalukuyang pinaghahandaan ng bansa ang pagbabalik ng negogasyon sa Code of Conduct, na magdedetermina sa mga hakbang na puwedeng gawin sa South China Sea.

LATEST