Galvez, ipinaliwanag kung bakit mas mahal ang bili ng PH sa Sinovac Covid-19 vaccines

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr.

Ipinaliwanag ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. na ang dahilan kung bakit may mura sa bili ng ibang mga bansa sa Covid-19 vaccines mula Sinovac ng China ay ang cost-reducing conditions tulad ng pagsang-ayon sa paggawa mismo ng bakuna gamit ang mga materyal ng kumpanya.

Ayon sa opisyal, inalok din umano ang bansa ng mas mababang presyo sa ilang kondisyon, at sinabing kung gagawa mismo ang Pilipinas ng bakuna, mababawasan nang kalahati ang presyo.

“Inofferan din kami, mababa ‘yung presyo but you will be having the filling station o ibig sabihin ‘yung raw materials dadalhin sa atin, tayong magfifinish,” ani Galvez sa isang Senate hearing noong Biyernes.

Isa pang kondisyon para sa mas mababang rates ay kung kukunin mismo ng pamahalaan ang mga bakuna nang direkta mula sa manufacturing plant ng kumpanya sa halip na ipa-ship ang mga ito sa bansa.

Gayunpaman, hindi pa rin inilahad ni Galvez ang tunay na halaga ng negotiated price para sa Sinovac doses subalit tiniyak nito sa publiko na may “advantage” ang bansa.

Noong Nobyembre, inihayag ng Department of Health (DOH) sa Senado na ang dalawang doses ng CoronaVac, na gawa ng Sinovac, ay nagkakahalaga ng mahigit ₱3,600. Subalit, sinabi kinalaunan ng Malacañang na nasa ₱650 lamang bawat shot ang halaga nito.

Nilinaw naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ang inisyal na isinumiteng presyo ay batay sa isang news article na nahanap ng staff sa Google. Hindi naman ikinatuwa ng mgas senador na binigyan sila ng maling impormasyon.

“There was no effort to check with Sinovac, the firm, itself para mavalidate lang, because official document ‘yun,” wika ni Senador Panfilo “Ping” Lacson kay Duque.

Dagdag pa nito, “And maybe this would serve as a good lesson in future submissions na dapat bago tayo magsubmit, medyo accurate at saka validated ‘yung data.”

Depensa naman ni Duque, wala pang negosasyon ang pamahalaan sa mga manufacturing companies noong panahong iyon kaya sumangguni lamang sila online.

LATEST

LATEST

TRENDING