Palasyo, hinikayat ang publiko na hintayin ang desisyon ni PRRD kung mauuna itong magpabakuna kontra Covid-19

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Inihayag ng Malacañang noong Lunes na dapat maghintay ang publiko sa magiging kapasyahan ni Pangulong Rodrigo Duterte kung mauuna itong magpabakuna kontra Covid-19.

Ito ay matapos sabihin ni Vice President Leni Robredo na ang hakbang ay makapagpapalakas sa kumpiyansa ng mga Pilipino sa bakuna.

“‘Yan po ay sinasangguni naman na… Hayaan po natin siyang magdesisyon,” giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang briefing nang tanungin tungkol sa pahayag ni Robredo.

Noong Sabado, inihayag ng pangalawang pangulo na ang unang pagbabakuna kay Duterte ay makatutulong sa pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa vaccination program ng pamahalaan kontra Covid-19. Sa isinagawang survey ng Pulse Asia sa 2,400 Pilipinong adulto noong Nobyembre 23 hanggang Disyembre 2, 47% ang nagsabing hindi sila magpapabakuna dahil sa agam-agam tungkol sa kaligtasan ng mga ito.

Idiniin naman ni Roque na hindi umaasa ang gobyerno na makukuha ang kumpiyansa ng publiko sa Covid-19 vaccines sapagkat karamihan sa mga ito ay hindi pa tiyak ang resulta hangga’t mabakunahan.

Subalit, “no rush” naman aniya ang pamahalaan sapagkat 50,000 hanggang 100,000 doses lamang ng bakuna ang inaasahang darating sa bansa sa susunod na buwan.

Noong Agosto 2020, inalok ni Duterte ang sarili upang maging kauna-uanahang mabakunahan ng vaccine galing Russia upang patunayan ang pagiging epektibo nito.

Sinabi naman ni Roque na ang vaccination plan ng pangulo ay “sa pagitan lamang niya at ng kanyang doktor.”

LATEST

LATEST