Malacañang, suportado ang panukalang gawing vaccinators ang pharmacists at midwives

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Nagpahayag ng pagsuporta ang Malacañang noong Lunes para sa panukalang inihain ng Department of Health (DOH) na pahintulutan ang mga pharmacists at midwives bilang vaccinators para sa igsasagawang Covid-19 vaccination drive.

Sa isang Malacañang press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mangangailangan ang bansa ng mas maraming vaccinators upang mabakunahan ang inisyal na 50 hanggang 70 milyong Pilipino ngayong taon, kung saan inaaasahang ang pagdating ng unang batch ng doses sa Pebrero.

“Tama po iyan. Dahil alam natin na 50 to 70 million ang target natin sa taong ito ay talagang kinakailangan natin ng lalo pang mas maraming magbibigay ng bakuna,” ani Roque.

Noong Sabado, sinabi ng DOH na pinag-aaralan nito ang posibilidad ng pagpapahintulot sa mga pharmacists at midwives bilang vaccinators. Sa kasalukuyan, tanging mga doktor at nurses lamang ang pinapayagang magbakuna.

Binanggit naman ni Food and Drug Administration (FDA) Director-General Eric Domingo na magbabalangkas ng guidelines ang DOH tungkol sa kung sinu-sino ang papayagang magturok ng bakuna.

Sa ilalim ng Philippine Pharmacy Act, ang mga pharmacists ay maaaring mag-administer ng adult vaccines matapos sumailalim sa training tungkol sa ligtas na pagturok ng vaccine shots at sa management ng adverse event. Kinakailangan ding magkaroon ang mga pharmacists ng certificate of training na nagmula sa isang duly accredited institution ng Professional Regulation Commission.

Sa isang hiwalay na briefing, sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pinag-aaralan ng DOH kung paano makapagbibigay ng training para sa mga pharmacists upang maging vaccinators ang mga ito.

Sa ilalim ng Implementing Rules and Regulations ng Philippine Midwifery Act, ang midwives ay maaaring makapagbakuna, lalo na sa national immunization program.

Ayon kay Vergeire, ang midwives ay puwedeng magbakuna ng mga bata at matatanda basta’t nasa ilalim ng supervision ng doktor o nurse.

LATEST

LATEST

TRENDING