Robredo, dismayado sa naging komento ni Duterte tungkol sa hindi pagiging ‘pambabae’ ng posisyon ng pangulo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Nakaka-“deflate” umano sa laban para sa gender equality ang mga naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa hindi pagiging “pambabae” ng posisyon ng presidente, giit ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Linggo.

Sinabi ni Duterte noong Huwebes na hindi “pambabae” ang pagiging pangulo habang iginiit na hindi tatakbo sa pagka-pangulo sa 2022 ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Hindi sinang-ayunan ni Robredo ang opinyon ni Duterte sapagkat ang ilang mga bansa aniyang may mga babaeng lider ay ilan sa “best performing” sa panahon ng pandemiya.

Aniya, “‘Pag yung Pangulo nagsalita ng ganito, hindi siya nakakatulong. Nade-deflate niya yung kampanya, na ang tingin ko dapat responsibility niya rin na maging circumspect sa mga sinasabi niya kasi Pangulo siya, hindi siya ordinaryong tao.”

“‘Yung values na pinapaniwalaan natin ay yung respeto sa kababaihan ay mataas, dapat ginagalang yung mga kababaihan. Yung part ng kababaihan sa governance ay mahalaga,” dagdag pa ni Robredo.

Dismayado ang pangalawang pangulo sa pagtingin si Duterte sa kababaihan.

“Hindi tayo sang-ayon dun. Napakababa ng pagtingin sa mga kababaihan, kaya nga nangyayari itong mga sinasabi niya,” sabi nito.

Dagdag pa, “Hindi lang naman ito kay Mayor Sara o sa akin, o kung sino pang mga kilalang women leaders. Pero sa lahat ng kababaihang mga Pilipino, lahat ng Pilipina, may epekto yung mababang pagtingin ng pinuno.”

Sinabi ng pangulo ang nasabing komento matapos manguna sa listahan ng mga pinagpipiliang kandidato sa pagkapangulo sa 2022 si Mayor Sara. Sinabi naman ng alkalde sa ama na wala siyang balak tumakbo sa 2022 bilang pangulo.

Ika-lima naman si Robredo sa parehong survey ng Pulse Asia na inilabas noong nakaraang taon. Noong Nobyembre, sinabi rin nitong wala itong balak tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022.

Samantala, masyado pa umanong maaga para sabihin kung tatakbo si Duterte-Carpio sa susunod na halalan, wika ni Prof. Ramon Casiple, executive director ng Institute for Political and Electoral Reform.

Aniya, “Panahon na ng eleksyon. Hindi ko ilalagay na tapos na iyang usapin… Basically, ang epekto ng ganyang klaseng balita ay nailagay siya sa sentro ng atensyon. Kaya hindi ako magugulat kung sa susunod na panahon na ito ay pabalik-balik sa media si Sara Duterte. Hindi ko pa sinasara ang usapin na posible siyang tumakbo.”

“Tingnan natin, mga ilang linggo pa siguro kung paano eksakto ang epekto ng paglalabas ng ganyang pangalan. Maliwanag na hindi pa puwedeng isara ang pinto dito kay Sara Duterte,” dagdag pa nito.

Sinabi rin nitong hindi totoong panlalake namang ang pagiging presidente sapagkat nagkaroon na ng dalawang babaeng pangulo ang bansa – sina dating Pangulong Corazon Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo.

Aniya, “Nagkaroon na tayo ng mga babae na naging presidente at maganda naman ang record as a whole, compared sa mga lalaki. Kaya open pa sa akin ‘yung usapin na iyan eh. In fact, sa tingin ko, simula pa lang ng mga usapin na iyan kaugnay kay Sara Duterte.”

LATEST

LATEST

TRENDING