Imbestigasyon sa ilang mga kaso, inilipat ng PACC sa anti-corruption task force

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
PACC Commissioner Greco Belgica

Ipauubaya na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa task force kontra kurapsyon ang pagtugon sa ilang mga kaso, lalo na ang mga alegasyon ng katiwalian sa ilang mambabatas tungkol sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Inihayag ni PACC Commissioner Greco Belgica noong Linggo na ililipat na ang mga nasabing kaso sa task force sapagkat hindi aniya saklaw ng PACC ang imbestigasyon ng mga kaso sa legislative branch.

Ang naturang task force, na pinangungunahan ng Department of Justice (DOJ), ay binuo noong Oktubre 2020.

Subalit, iginiit ni Belgica na ipagpapatuloy pa rin ng PACC ang pag-imbestiga sa iba’t-ibang mga kaso at ire-refer nila sa wastong ahensya kung may lilitaw muli na pangalan ng kongresistang sangkot sa kurapsyon.

Maaari pa rin aniyang madagdagan ang mga pangalang posibleng sangkot sa kurapsyon.

“Depende po sa report, anyone can report in our office,” sabi Belgica.

Maraming tao pa rin umano ang tumatawag sa kanilang tanggapan upang magsubmong ng mga tiwaling aktibidad.

“Kung ‘yon ang sinabi, ‘yon ang iva-validate namin. Pero hindi naman dahil sinabi ‘yon, totoo na ‘yon. Kaya mahalaga na ma-imbestigahan. Kaya ibibigay ito sa task force at ultimately sa Ombudsman,” dagdag pa ng PACC Commissioner.

Noong 2020, isinapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pangalan ng ilang kongresista na nasa listahan ng PACC, na posible aniyang sangkot sa kurapsyon hinggil sa mga infrastructure projects sa kani-kanilang mga distrito, bagama’t idiniing walang matibay na ebidensiya laban sa mga ito.

Tinanggihan naman ng karamihan ng mga mambabatas ang mga inihaing paratang sa kanila.

LATEST

LATEST