Roque: China, ibinibenta sa PH ang Sinovac Covid-19 vaccines sa presyong pang-‘BFF’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Ang mga bakuna kontra Covid-19 na ginawa ng Sinovac Biotech Ltd. ng China ay ibinenta sa Pilipinas sa isang “BFF” (best friend forever) price, giit ng Malacañang noong Huwebes.

Sa isang press briefing, tinanggihan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga paratang ng mga kritiko na mas mahal ang bakuna ng Sinovac kumpara sa Western brands, sapagkat ito aniya ay “ikatlo” lamang mula sa pinakamahal na bakuna.

“I am not at liberty, pero I can say, sa lahat po ng oorderin natin, hindi po pinakamahal ang Sinovac. Alam ninyo kasi ang Tsina, hindi po iyan kapitalistang bansa, komunista iyan. So their prices are not driven by market forces, pupuwede silang unilaterally mag-fix ng price, at I can assure you, nabigyan po tayo ng presyo na ukol lamang sa kanilang BFF,” paliwanag ni Roque.

Nang tanungin kung aling mga bakuna ang pinakamahal, sinabi ni Roque na wala siyang awtoridad na inanunsyo ang mga presyo alinsunod sa confidentiality agreements.

Noong Disyembre, nagpresenta ang Senate Committee on Finance ng table na naghahambing sa mga projected prices ng pitong Covid-19 vaccine brands, kabilang ang value added taxes at halaga ng inflation.

Base sa datos, ang pinakamurang bakuna sa merkado ay mula sa US-based pharmaceutical company na Novovax sa estimated cost na PHP366 para sa dalawang doses, na sinundan ng British-Swedish firm na AstraZeneca (PHP610 para sa dalawang doses), at Gamaleya Research Institute of Epidemiology and Microbiology ng Russia (PHP1,220 para sa dalawang doses).

Ang Pfizer vaccine naman na mula US ay nagkakahalaga ng PHP2,379 para sa dalawang doses na sinundan naman ng Sinovac (PHP3,629.50 para sa dalawang doses) at Moderna ng US (PHP4,504 para sa dalawang doses).

Ang mga bakuna naman mula sa COVAX Facility o ang Covid-19 Vaccines Global Access Facility, isang global mechanism na layong tiyakin ang equitable access sa Covid-19 vaccines sa buong mundo, ay nagkakahalaga ng tinatayang nasa PHP854 para sa dalawang doses.

Samantala, binanggit naman ni Roque na may mga ulat tungkol sa mataas na efficacy rate ng Sinovac vaccines sa Indonesia.

“Sa mga clinical trials, importante na magamit yung bakuna sa kapareho niyong ethnicity kasi nga po yung genetic makeup. E ang Pilipino at mga Indonesians po, pareho tayong Malay. So kung napatunayan 91.25 [percent] effective po ang bakuna sa Indonesia, na kapwa Malay natin, baka ganun din po ang magiging resulta kung magbakuna tayo dito sa Pilipinas,” dagdag pa ni Roque.

Tiniyak nito sa publiko na hindi gagamitin ang Sinovac vaccines hangga’t walang emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA).

“Ang Sinovac lang po ngayon ang sigurado ‘no; pero iyong kasiguraduhan na gagamitin iyan, nakadepende pa rin po iyan sa FDA kung bibigyan ng approval,” diin ni Roque.

LATEST

LATEST

TRENDING