Galvez: Public vaccination ni PRRD, makatutulong alisin ang agam-agam ng publiko sa mga bakuna

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Vaccine czar Sec. Carlito Galvez, Jr.

Ang pagturok ng bakuna kontra Covid-19 kay Pangulong Rodrigo Duterte sa harapan ng publiko ay makatutulong aniya upang maitaas ang pagtitiwala ng mga Pilipino sa Covid-19 vaccines, pahayag ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez, Jr. noong Miyerkules.

Aniya, “Maganda po iyon. Alam natin na ang ating mahal na Presidente, 91 percent ang kaniyang tinatawag na popularity survey at iyon nga rin po ang nakikita namin na iyong public uptake po ng ating publiko sa vaccine ay tataas po.”

Sinabi ito ni Galvez matapos lumabas ang isang survey na nagpapakitang halos kalahati ng mga Pilipino ang umaayaw magpabakuna kontra Covid-19, bagama’t nangako ang gobyerno na papayagan lamang nito ang paggamit ng ligtas at epektibong mga bakuna.

Sinabi ng opisyal na sang-ayon umano ang pangulo na maging isa sa mga unang Pilipinong matuturukan ng Covid-19 vaccine kapag dumating na ang mga ito sa bansa.

“Si Presidente, sinasabi nga po niya na kahit na ano pong vaccine ang mauna, willing siya. Even iyong Gamaleya at saka Sinovac ay magbo-volunteer po siya na siya ang mauunang ma-vaccinate,” sabi ni Galvez.

Gayunpaman, hindi aniya magrerekomenda ang opisyal ng partikular na vaccine brand kay Duterte sapagkat nasa desisyon na ito ng kanyang mga doktor.

Aniya, “So kung ano po ang i-recommend ng doktor ni Presidente na maganda po sa kaniya being a senior citizen, iyon po ang gagawin po natin.”

Nanawagan din ito sa publiko na iwasan ang diskriminasyon sa mga Covid-19 vaccine brands kasabay nang mga ulat na hindi epektibo ang ilan sa mga ito.

“Tanggalin na po natin iyong discrimination sa ibang vaccine kasi nakita po natin ginamit na nga ng Singapore, ginamit na nga ng Malaysia, ginamit na ng Turkey at ng Argentina, bakit hindi natin gamitin? Eh mga advance country pa ito kaysa sa atin,” giit ni Galvez.

Ipinagtanggol din ni Galvez ang Sinovac Biotech vaccine ng China matapos pumutok ang mga ulat na ang bakuna nitong CoronaVac, ay mayroon lamang 50.4 percent na efficacy rate laban sa Covid-19 batay sa resulta ng clinial trial sa Brazil.

Ang nasabing efficacy rate ay mas mababa sa 78 percent efficacy laban sa “mild to severe” Covid-19 cases na inanunsyo noong nakaraang linggo.

“Hintayin po natin iyong official pronouncement ng ating vaccine experts panel,” wika ni Galvez.

“Iyon lang po ay mga pronouncement ng mga different news at ang ano po natin talaga, dapat scientifically proven,” dagdag pa nito.

LATEST

LATEST