Duterte, dinipensahan ang paggamit ng Covid-19 vaccines galing China

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules ang pagkiling ng national government na bumili ng China-made Covid-19 vaccines para sa vaccination program ng bansa.

Ipinaliwanag ni Duterte na ang mga bakunang gawa ng Chinese firms tulad ng Sinovac ay maayos din tulad ng mga gawa ng Amerikano at European pharmaceutical companies.

“Hindi nagkulang ang Chinese. Hindi sila nagkulang sa utak. Bright itong mga Instik at they would not venture kung hindi sapat, it is not safe, sure, and secure,” ani Duterte sa kanyang lingguhang briefing kasama ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Inihayag ito ng pangulo bagama’t naglabas ng ulat ang Butantan Institute at Government of São Paulo sa Brazil noong Miyerkules, na nagpapakitang mayroon lamang 50.38% efficacy rate ang Sinovac Covid-19 vaccine base sa kanilang clinical study.

Bagama’t pasok ito sa threshold na nire-require ng global regulators para maaprubahan, bagsak ito sa 78% figure na inanunsyo ng mga Brazilian scientists noong nakaraang linggo.

Gayunpaman, kumpiyansa si Duterte kay Vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa tinatahak na direksyon ng vaccination program ng bansa.

Aniya, “Ako, kung ano ang piliin ni Secretary Galvez would bind me. Parang ako na rin ang bumili ng bakuna.”

Inanunsyo ng Malacañang noong Martes na darating sa bansa ang unang shipment ng Covid-19 vaccines na unang ibibigay sa mga healthcare workers na nasa laban kontra Covid-19. Ang inisyal ng 50,000 doses ay manggagaling sa Sinovac.

Sinabi naman ng pangulo na siya at ang iba pang mga opisyal ang huling babakunahan, sapagkat bibigyan umano ng prayoridad ang mga frontline workers at mahihirap.

Aniya, “Huli na kami. Kung may maiwan para sa amin, kay Bong [Go], kay Secretary [Delfin] Lorenzana, kung may maiwan, edi para sa ‘tin. Unahin natin sila.”

Kabilang sa mga nasa priority list ng mga babakunahan ay ang mga healthcare workers, guro, social workers, iba pang essential workers sa labas ng health at education sector, overseas workers, at uniformed personnel.

“Wala naman itong diskriminasyon, ang hinabol lang natin dito ay sino yung vulnerable, nutrition-wise, di masyado yung pagkain, walang vitamins, sila yung matamaan if the pandemic will remain as it is,” giit ni Duterte.

Dagdag pa nito, “But anyway, all will have their vaccines, I assure you.”

Noong Disyembre, sinabi ng Malacañang na gusto ng pangulong maunang magpaturok ng Covid-19 vaccine kapag inaprubahan na ito ng Food and Drug Administration para sa emergency use.

LATEST

LATEST