‘ARMY,’ hindi natuwa sa pagpapangalan ni Cayetano ng ‘BTS’ sa bago nitong bloc sa Kamara

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: The Philippine STAR

Pinaulanan ng pambabatikos noong Martes ng mga fans ng K-Pop boy group na “BTS” si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano dahil sa paggamit ng pangalan ng nasabing boyband sa kanyang bagong binuong pangkat ng mga kongresista sa Kamara.

Ang “BTS sa Kongreso” ay layon umanong maging “independent” bloc ng pitong mambabatas sa Kamara, ayon sa tanggapan ng dating House Speaker.

Ang bagong pangkat na pinangalanang “Back To Service,” ay nakatakdang ilunsad sa Huwebes sa isang restawran sa Quezon City.

Subalit, hindi ito ikinatuwa ng “ARMY” o mga fans ng BTS.

Umalingawngaw sa Twitter noong Miyerkules ang hashtags na #Kongreso at #CayetanoStopUsingBTS dahil sa pambabatikos ng “ARMY” sa bagong bloc ng Kamara.

Ilang mga users din ang kumbinsido na ginagawa lamang ito ng mga kongresista para sumikat.

Ayon kay Pearl Ann Gumapos, isang long-time BTS fan, “stupid” ang ginawang “pakulo” ng mga mambabatas. 

Aniya, “Bakit may ganyan na pakulo? I think he should stop using BTS and focus on more important things.”

“What’s the point [of] using BTS for his political agenda ba?” dagdag pa nito.

Ayon naman sa isa pang fan, may “strong origins” ang pangalan ng boyband at kabastusan aniya ang paggamit sa pangalan nito para sa pulitika.

“If they are using this name to attract more people to his side, he is completely and utterly wrong… If this is a way for you to try and attract the fans, you’re underestimating us,” sabi nito.

Isa rin aniyang “very desperate and disgusting act” ang ginawang hakbang nina Cayetano.

Matapos ang pag-iingay sa Twitter, hinikayat naman ng fans ang netizens na i-report ang isyu sa Big Hit Entertainment, ang managing firm ng BTS. 

Ang mga miyembro ng “BTS sa Kongreso” bloc ay kinabibilangan ng mga  pinatalsik na kaalyado ni Cayetano sa kanilang mga posisyon sa House leadership nang pumalit na bilang House Speaker si Rep. Lord Allan Velasco. Ang mga ito ay sina:

  •  Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte
  •  Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado
  •  Batangas Rep. Raneo Abu
  •  Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor
  •  Capiz Rep. Fredenil Castro
  •  Laguna Rep. Dan Fernandez

Dinipensahan naman ni Cayetano ang  “Back to Service,” at sinabing hindi nito layuning insultohin ang BTS fans.

Aniya, “Kung nagkaroon ng konting publicity noon, negative o hindi, it’s not meant to offend the fans. Pero huwag niyo rin haluan ng politika kasi kami, hindi namin hahaluan ng politika ‘yon.”

Halu-halo naman umano ang naging reaksyon nito sa publiko nang ianunsyo ang pangalan ng pangkat.

 “Kasi ‘yong iba nagte-text, naman sa amin, ‘welcome to the BTS Army, ipaglaban mo kami Kuya Alan’ etc. So ‘wag nilang haluan ng politika. Ang ibig lang naman naming sabihin doon, Back To Service Congress — kaya BTS sa Congress,” paliwanag ni Cayetano.

Dagdag pa nito, “It’s… representing many blocs in the country that is saying that kailangan natin ngayon is BTS Bayanihan, Tapang, Serbisyo.”

LATEST