PH, nakapagtiyak ng 25-M doses ng Sinovac Covid-19 vaccine

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: EPA

Inihayag ng Malacañang noong Lunes na nakapagtiyak ang Pilipinas ng unang 25 milyong doses ng bakuna kontra Covid-19 na gawa ng Chinese biopharmaceutical company na Sinovac Biotech Ltd.

“Sang-ayon po sa Department of Health, magkakaroon na po tayo ng unang 25 million doses of Covid-19 vaccine from Sinovac. Dadating na ang bakuna sa Pilipinas sa susunod na buwan,” paglilinaw ni Presidential spokesperson Harry Roque sa isang regular virtual Palace press briefing.

Ayon kay Roque, ang unang 50,000 doses ay darating sa bansa sa susunod na buwan bukod pa sa 15,000 na gagamitin naman para sa clinical trials sa Pilipinas.

Aniya, “At least, by February, 65,000 na ang mabibigyan ng bakuna.”

Idiniin nitong “proven safe” umano ang Sinovac na may 91.25 percent efficacy rate base sa late-stage clinical trials.

“There’s nothing spectacular about Sinovac other than it’s been proven safe and efficient,” dagdag pa ni Roque.

Magde-deliver naman aniya ang Sinovac ng karagdagang 950,000 doses sa Marso, 1 milyong doses sa Abril, 1 milyong doses sa Mayo, at 2 milyong doses sa Hunyo hanggang mai-deliver ang lahat ng 25 milyong doses sa Disyembre.

“Bakit po ako tumigil ng June? Kasi po pagdating ng June, July darating na rin po ang Pfizer at ang July, AstraZeneca,” paliwanag ni Roque.

Bukod sa Sinovac, nakipagkasundo rin ang pamahalaan para sa mga bakunang dinivelop ng Serum Institute ng India (SII) at British pharmaceutical na AstraZeneca.

Samantala, ide-deliver naman aniya sa bansa ang tinatayang nasa 30 milyong Indian-made Covovax vaccines sa ikatlong quarter.

Inanunsyo rin ng Presidential Communications Operations Office na ang SII ay nakikipag-ugnayan na sa US-based Novovax Inc. upang i-develop at i-commercialize ang Covovax, na ngayon ay nasa ikatlong stage trials na at inaasahang maaprubahan ng international regulators.

Ayon sa PCOO, gagamitin ang Covovax vaccine para bakunahan ang 15 milyong Pilipong kabilang sa bulnerable at mahihirap na sektor.

Ang priority areas para Covid-19 vaccination ay ang Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Calabarzon, Davao Region, at Cebu City.

Para naman sa priority sectors, mangunguna sa listahan ang mga health care workers, uniformed personnel, at indigent citizens, wika ni Roque.

LATEST