Unang batch ng Covid-19 vaccines inaasahan sa Pebrero; ‘Normal’ na buhay, sa 2023 pa: Galvez

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Vaccine czar Carlito Galvez Jr.

Ang unang batch ng Covid-19 vaccines ay darating sa Pilipinas sa susunod na buwan, subalit hindi pa aniya babalik sa normal ang buhay ng mga Pilipino nang hindi bababa ng dalawang taon, ayon kay Vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa isang Senate hearing noong Lunes.

Ayon sa opisyal, ang isang shipment na naglalaman ng 50,000 doses ay idedeliver sa Pebrero 20. Hindi naman nito pinangalanan ang brand ng vaccine na paparating ng bansa, subalit sinabing posible itong Sinovac, Novavax, o AstraZeneca.

Nakapagtiyak kamakailan ang bansa ng 25 milyong doses mula sa Sinovac ng China, 30 milyong doses mula sa Novavax ng US, at anim na milyong doses mula sa UK-based AstraZeneca sa pamamagitan ng isang tripartite agreement sa pribadong sektor.

Unang sinabi naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na may inisyal na 50,000 doses galing Sinovac ang darating sa susunod na buwan.

Ginisa naman ni Senador Panfilo Lacson si Galvez kung kailan isasakatuparan ang vaccination.

“Para naman umasa ‘yung mga kababayan natin na sa February 28 or sa March 1 mababakunahan sila, pwede ba i-share mo sa amin kailan yung unang bakuna sa tantya mo?” ani Lacson sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole tungkol sa vaccine plan ng pamahalaan.

Sumagot naman si Galvez at sinabing maaari itong mangyari sa “third or fourth week of February,” at umaasang hindi bababa sa dalawang milyong Pilipino ang mababakunahan pagsapit ng Abril. Una aniyang makatatanggap ng vaccine shots ang Metro Manila, Cebu City, Davao City, at iba pang lugar na may mataas na attack rates.

Sa tatlong brands na pinangalanan ni Galvez, tanging AstraZeneca lamang ang nag-apply para sa emergency use sa bansa. Posible umanong maaprubahan ito sa mga susunod na linggo ayon naman kay Food and Drug Administration Director General Eric Domingo. Kinakailangan ang awtorisasyon ng FDA para maging ligal ang paggamit ng mga bakuna sa bansa.

Samantala, kinuwestyon naman ni Senador Richard Gordon kung bakit huli ang bansa sa procurement ng mga bakuna ngayong ang mga karatig-bansa tulad ng Singapore at Indonesia ay nag-uumpisa na sa kanilang vaccination drives.

“Hindi kaya pinagbibigyan natin ‘yung isa bansa diyan na gusto magbili sa atin? Pero medyo nakaantala ‘yun sa atin dahil umaasa tayo na mabibigyan tayo ng libre,” ani Gordon.

Pinabulaanan naman ito ni National Action Plan against Covid-19 deputy chief implementer Vince Dizon.

“Hindi po ‘yun ang rason. Wala po tayong policy na pinapaboran ang isang vaccine o isang bansa. Lahat po ng vaccines na safe and effective ay ipu-pursue ng national government, vaccine czar, at vaccine cluster,” giit ni Dizon.

Inaasahang makatatanggap ang bansa ng 25 milyong doses ng Sinovac vaccine ngayong taon, kung saan ang inisyal na 50,000 doses ay ipadadala sa Pebrero.

Bagama’t may mga kritisismo tungkol sa 50% efficacy rate ng Sinovac, sinabi ng FDA na hihintayin pa nito ang pinal na clinical trial report sapagkat nakapag-ulat ang ibang bansa ng mas magandang resulta sa paggamit ng Chinese vaccine.

Idiniin naman ni Dizon na hindi nahuhuli ang Pilipinas sa vaccine procurement sapagkat nakipagpulong agad umano si Galvez sa mga vaccine manufacturers matapos matalagang vaccine czar.

“Yung mga finalization po ng ating mga agreements sa kanila [vaccine manufacturers] ay nangyayari na po ngayong buwan ng January,” ani Dizon.

Samantala, inihayag naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ang simulation para sa Covid-19 vaccine process ay isasagawa sa Pasig City sa ikatlong linggo ng buwan. Walang aktwal na vaccination ang magaganap dito.

“This is going to be an exercise in simulation, not necessarily giving the vaccines already. We will subject the process to stress test,” sabi ni Duque.

Umaasa naman si Galvez na maibabalik sa normal ang buhay ng mga Pilipino sa 2023 – tatlong taon simula nang manalasa ang pandemiya. Ito ay magiging posible aniya sa pamamagitan ng kooperasyon sa pagitan ng national government, local government units, publiko, at iba pang stakeholders.

“It is only through this that we can implement a sustainable immunization program to recover the economy and restore normalcy in the lives of the Filipino people by 2023,” diin ni Galvez.

LATEST