Senado, magsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa gov’t Covid-19 vaccine plan sa Enero 11

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Senado sa Enero 11 tungkol sa Covid-19 vaccination plan ng pamahalaan, pahayag ni Senate President Tito Sotto noong Lunes.

Subalit, nabanggit ni Sotto na kokonsultahin pa niya ang kanyang mga kapwa senador kung tatalakayin rin ang isyu ng iligal na pagbabakuna sa security personnel ni Pangulong Rodrigo Duterte o kung magtatakda na lang ng panibagong schedule para rito.

“The original question of the hearing is ‘Bakit wala pa tayong vaccine? Kailan at paanong i-distribute at paano storage?’ samantalang ang issue nila ‘Bakit meron vaccine ang iba,’” ani Sotto.

Dagdag pa nito, “Baka next time if we need to.”

Noong Disyembre 28, sinabi ni Armed Forces of the Philippines spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo, na ang mga miyembro ng Presidential Security Group, ay nabakunahan na kontra Covid-19 subalit hindi ibinunyag kung anong mga bakuna ang ginamit at kung paano ito itinurok.

Unang sinabi ni Duterte na maraming Pilipino, kabilang ang ilang sundalo, ang nabakunahan na gamit ang Sinopharm Covid-19 vaccine mula China.

Kinuwestyon naman ito ni Sotto at itinanong kung may mga laboratory reports na magpapatunay na nangyari ang nasabing pagabakuna.

“Paano nila nalaman? Ni-lab test ba nila? Eh kung anti-flu pala yun, illegal ba yun?,” tanong ni Sotto, kahit inamin mismo ng PSG commander na si Brig. Gen. Jesus Durante III na nabakunahan na ang PSG noong Setyembre at Oktubre.

Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang mga ginamit na bakuna ay ipinuslit sa maliliit na kahon upang makaiwas sa mata ng mga awtoridad. Ito ay pinaiimbestigahan na ng Food and Drug Administration at Bureau of Customs.

Inatasan din ang Special Action Unit ng National Bureau of Investigation upang magsagawa ng imbestigasyon tungkol sa isyu.

LATEST

LATEST

TRENDING