
Kumikiling ang Philippine Red Cross na bumili ng sarili nitong Covid-19 vaccine mula sa British drugmaker na AstraZeneca.
“Actually, there’s no concrete plan yet, we are in the initial negotiations with the manufacturers. It’s mostly likely AstraZeneca,” ani PRC Biomolecular Laboratories head Dr. Paulyn Ubial noong Martes.
Binabalak aniya ng PRC na bumili ng isang milyong doses ng AstraZeneca vaccine, na inaasahang magiging available sa bansa sa unang bahagi ng 2021.
“It would be, hopefully within first half of the year and it’s about one million doses, so good for 500,000 people,” dagdag pa ni Ubial.
Sinabi na ni PRC chairman at Senador Richard Gordon noong Disyembre na bukas ang PRC sa pagtulong sa Covid-19 vaccine rollout ng bansa. Nagsasagawa rin ang organisasyon ng sarili nitong Covid-19 testing.
Inaprubahan ng British vaccine manufacturer noong Disyembre ang pagbebenta ng mas maraming Covid-19 vaccines sa bansa, bukod sa unang napagkasunduang 2.6 milyong doses.
Ayon kay Ubial, na dating Health secretary, dapat bumuo ng alyansa ang pamahalaan sa mga medical practitioners para sa isasagawang vaccination program.
Aniya, “You have to get the medical professionals on your side, so that if something happens with the vaccinated child, they are actually your allies and helping you defend the vaccine.”
Batay sa isang survey kamakailan, 25% lamang ng mga Pilipino sa Metro Manila ang bukas sa pagpapaturok ng Covid-19 shot kapag dumating na ito. Samantala, 28% naman ng respondents ang nagsabing hindi sila magpapabakuna, habang 47% naman ang hindi tiyak.
Sinabi na Ubial na ang agam-agam ng mga Pilipino sa pagbabakuna ay maaaring nag-ugat sa mabilisang vaccinations na isinagawa noon.
“It was hastily done in the previous administration,” sabi ni Ubial.
Dagdag pa nito, “And the main reason also is there was no social preparation so people were actually surprised that the vaccination program was actually right in front of them.”
Bukod sa AstraZeneca, nakikipag-usap din ang gobyerno sa iba pang vaccine manufacturers tulad ng Sinovac Biotech, Novavax, at Moderna.