Roque: PRRD, puwedeng gumawa ng ‘tama’ ngunit ‘di ‘popular’ na desisyon tungkol sa Covid-19 vaccination issue

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbawalan ang kanyang security group sa pagdalo sa pagdinig ng Senado tungkol sa paggamit ng unregulated vaccines ay kabahagi ng kanyang executive privilege upang gumawa ng mga “tamang” desisyon bagama’t hindi ito popular at pabor sa publiko, giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Martes.

“The concept of executive privilege arises from separation of power and the fact that the President must be allowed to make correct, even if unpopular decisions,” wika ni Roque sa kanyang noontime briefing.

Idiniin din ni Roque na ang kapasyahan ng pangulo na pagbawalan ang Presidential Security Group (PSG) ay epektibo lamang sa isasagawang imbestigasyon ng Senado, habang ang iba pang mga ahensya tulad ng Food and Drug Administration, Bureau of Customs at National Bureau of Investigation, ay malayang magsagawa ng kani-kanilang imbestigasyon tungkol sa isyu.

“Malinaw po ang mensahe ng Presidente, para po iyan sa Kongreso,” ani Roque.

Muling binigyang diin nito na hindi alam ng pangulo kung saan nanggaling ang bakuna at kung paano naturukan ang mga militar. Ito ay taliwas naman sa naging pahayag ni Philippine Army Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana na ipinag-utos mismo ni Duterte ang vaccination sa direksyon ng “chain of command of the armed forces.”

“Hindi po nagpaalam, hindi nagbigay ng consent, nabalitaan na lang niya (Duterte) na maraming nagpaturok, kaya sabi lang niya, c’est la vie (carry on),” sabi ni Roque.

Samantala, naghain naman ng resolusyon ang Makabayan bloc upang magsagawa ang Kamara ng imbestigasyon hinggil sa kontrobersyal na vaccination.

“We need effective checks and balances, lalo na sa usapin ng pagbakuna sa ating mga mamamayan. Congress must exercise its mandate to conduct investigations in aid of legislation regarding the VIP vaccination of Duterte’s security group,” pahayag ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas.

“I feel that it is our duty to get to the bottom of this. It is government’s responsibility to crack down this COVID-19 vaccine black market,” sabi naman ni Sen. Risa Hontiveros.

Sa ngayon, wala pang inaaprubahang bakuna kontra Covid-19 ang FDA na maaaring gamitin sa bansa. Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III noong Lunes na titingnan nila ang kondisyon nga mga PSG personnel na nabakunahan, para sa posibleng “adverse effects” ng itinurok na bakuna.

LATEST

LATEST

TRENDING