Duterte, pinagbawalan ang PSG na dumalo sa pagdinig ng Kongreso tungkol sa kanilang Covid-19 vaccination

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ang kanyang security personnel na huwag pansinin ang mga mambabatas kung ipatatawag sila ng mga ito upang tumestigo sa kontrobersyal na pagbabakuna kontra Covid-19 bagama’t hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Sinabihan ng pangulo si Presidential Security Group Chief Jesus Durante na balewalain ang posibleng ihahaing summons ng Kongreso para sa pagtestigo sa nasabing pagbabakuna bilang kabahagi ng “self preservation.”

Kung dadalo naman ang ito sa anumang imbestigasyon sa Kongreso, ipinag-utos ni Duterte na huwag silang magsisiwalat ng kahit anumang impormasyon.

Aniya, “I would ask the PSG to just shut up. Do not answer. Invoke the right against self-incrimination at wala kayong makukuha. And do not force my soldiers to testify against their will.”

Nagbabala ang pangulo sa Kongreso na lubayan ang PSG, at sinabing magkakaroon ng “little crisis” kung ipatatawag sa contempt ang miyembro nito bunsod ng hindi pagsipot sa mga pagdinig.

“I would like to call on Congress na hindi naman ako nakikiusap. Ang ano ko lang diretso na salita na do not tinker with the PSG. I’m telling you as President,” babala ni Duterte.

Dagdag pa nito, “‘Pag ginawa ninyo ‘yan, there will be a little crisis. Nasa inyo.”

Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang Senado tungkol sa Covid-19 vaccination plan ng pamahalaan sa Enero 11, subalit hindi nakatuon sa lihim na pagbabakuna ng PSG.

Naghain naman ng resolusyon sa Kamara ang Makabayan bloc noong Martes upang paimbestigahan ang “VIP vaccination.”

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon noong Martes na nasa kapangyarihan ng pangulo na gamitin ang executive privilege at pagbawalan ang kanyang personnel na dumalo sa mga pagdinig. Posible pa naman aniyang gumamit ng ibang paraan ang Kongreso upang matalakay ang isyu.

Habang binabatikos ang PSG, ipinagtanggol naman ito ng pangulo at idiniing ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin na protektahan siya alinsunod sa batas.

“I am prepared to defend my soldiers. I will not allow them, for all of their good intentions, to be brutalized in hearings,” giit ni Duterte.

Tinanggihan din nitong mayroon siyang alam hinggil sa lihim na pagbabakuna at sa kung anong brand ng smuggled vaccines ang ginamit ng PSG. Ito ay isang linggo matapos nitong aminin sa harap ng taumbayan na “halos lahat ng mga sundalo” ay nakatanggap na ng China-made vaccine na Sinopharm bagama’t walang approval mula Food and Drug Administration.

“I don’t know really if they were injected with the vaccine, what brand, hindi ko alam. Do not presume na sabi kino-cover up,” dagdag pa nito.

Inamin mismo ni PSG Chief Durante na naturukan ang kanyang team ng mga bakuna, subalit tumangging ibunyag ang pinanggalingan ng mga ito.

LATEST

LATEST