Robredo, hinimok na lumitaw na ang mga opisyal sa likod ng unauthorized use ng Covid-19 vaccine

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Dapat na aniyang lumitaw at managot ang mga opisyal at ilang miyembro ng Gabinete na nagtatago ng katotohanan sa isinagawang unauthorized vaccination sa security personnel ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Pangalawang Pangulo Leni Robredo noong Linggo.

Ito aniya ay nagpapahayag ng “maling mensahe” tungkol sa mga prayoridad ng gobyerno.

Sa kanyang lingguhang radio show na Biserbisyong Leni, ikinadismaya ng bise-presidente na ang mga malalapit na opisyal sa pangulo ay ang kauna-unahan pang lumabag sa mga batas hinggil sa pagtanggap ng vaccine doses, na hindi aprubado ng Food and Drug Administration.

“Sana walang panlilinlang na gawin sa tao. Sana maging very transparent kasi ayaw nating magduda ang tao,” wika ni Robredo.

“Kung iyong mga pinakamalalapit sa Presidente, iyon pa iyong nag-violate ng mga existing protocols, ng mga batas, eh hindi ito nakakatulong.”

“Bakit hindi sinunod iyong protocols? Bakit may viniolate na batas? Bakit hindi sinunod iyong prioritization na ginawa ng IATF (Inter-Agency Task Force), ng DOH (Department of Health), ng vaccine czar?” dagdag pa nito.

Nagkomento rin ang pangalawang pangulo ukol sa kamakailang pag-amin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na “smuggled” ang mga nasabing bakuna at ang ginawang vaccination ay “justified” alinsunod sa tungkulin ng militar na protektahan ang presidente.

“Ang problema, ano iyong mensahe? Iyong mensahe dito pwede pala iyon kung meron kang means, kung meron kang pambili, pwede pala iyon,” sabi ni Robredo.

Dagdag pa nito, “Madaling sabihing justified. Kung meron akong sakit…justified ba iyon dahil may sakit ako?”

Nagpahayag din ng pagsuporta si Robredo sa panawagan ng Senado na paimbestigahan ang vaccination ng mga miyembro ng Presidential Security Group, subalit iginiit na magiging mas mabilis ang resolusyon ng isyu kung magiging tapat ang mga opisyal sa kanilang mga sagot upang makapagpokus na ang pamahalaan sa mas malaking prayoridad sa Covid-19 response.

Aniya, “Sana maging transparent na lang tapos akuin na lang iyong kasalanan, wala nang cover-up. Kasi imbis na nakatutok tayo sa mas importanteng mga bagay, iyan na naman ang aasikasuhin natin.” 

Nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang FDA, Bureau of Customs, at Special Action Unit ng National Bureau of Investigation hinggil sa distribusyon at paggamit ng unregistered Covid-19 vaccines sa bansa.

Sa kasalukuyan, wala pang ibinibigay na awtorisasyon ang FDA para sa paggamit ng anumang Covid-19 vaccine sa bansa. Nagbabala rin ang pinuno ng ahensya laban sa paggamit ng unauthorized vaccines, sapagkat hindi tiyak ang kaligtasan, kalidad, at efficacy ng mga ito.

LATEST

LATEST

TRENDING