Gatchalian, nais paigtingin ang pagsugpo sa pagbebenta ng mga malalaswang larawan at videos online

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Sen. Sherwin Gatchalian

Hinikayat ni Sen. Sherwin Gatchalian noong Linggo ang Department of Justice at Philippine National Police na paigtingin ang mga ipinatutupad na hakbang laban sa mga estudyanteng umano’y nagbebenta ng mga malalaswang larawan ng kani-kanilang mga sarili upang makalikom ng perang panggastos sa kanilang pag-aaral.

Ibinahagi ng senador ang kuwento mula sa Philippine Online Student Tambayan (POST), isang news portal para sa student sector, na nag-ulat ng pagdaraos ng umano’y online “Christmas sale” ng kanilang mga malalaswang larawan at videos upang makakalap ng pondong pambili ng gadgets at pambayad ng internet para sa distance learning.

“Pinagsasamantalahan ng mga masasamang-loob ang pangangailangan ng ating mga mag-aaral at dapat itong labanan ng ating pamahalaan,” wika ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Ginamit aniya ng mga estudyante ang hashtags na#AlterPH, #AlterPinay, at #AlterPhilippines upang maibenta ang kanilang mga larawan at videos sa Twitter. Ang ilang mga maseselang materyal ay naibebenta sa presyong P150, batay sa nasabing ulat.

Tinawag din ng senador ang pansin ng Department of Education upang palakasin ang child protection program nito, sapagkat nakamandato aniya sa child protection committees (CPC) ng paaaralan na tukuyin ang mga mag-aaral na nakararanas na pang-aabuso at exploitation.

“CPCs are also expected to report cases to government agencies and non-government organizations,” sabi ni Gatchalian.

Noong Mayo, inihayag naman ng DOJ na nag-spike ang mga ulat ng online sexual exploitation ng mga bata sa Pilipinas nang 260 percent habang nasa kalagitnaan ng Covid-19 lockdown.

Unang sinabi naman ni DepEd Undersecretary Jesus Mateo na ang pagpigil sa online child sexual exploitation ay isang inter-agency effort.

Inabisuhan din ng opisyal ang mga magulang na i-monitor ang mga aktibidad ng anak online, na posibleng mauwi sa mga insidente ng pang-aabuso.

LATEST

LATEST

TRENDING