‘Bato’: PSG, walang nilabag na batas sa pagpapaturok ng unregistered Covid-19 vaccine

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Sen. Ronald “Bato” dela Rosa

Inihayag ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na dapat pasalamatan ng publiko ang mga miyembro ng Presidential Security Group na nabigyan ng Covid-19 vaccine shots bagama’t walang pahintulot mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Ayon sa senador, isinugal ng mga miyembro ng PSG ang kanilang mga buhay bilang “guinea pigs” matapos magpabakuna upang protektahan si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa Covid-19.

Aniya, “Nagpapasalamat nga tayo sa kanila dahil ginawa nilang guinea pig ang sarili nila.”

“Walang nasa isip nila kung paano maprotektahan ang Pangulo,” dagdag pa ni Dela Rosa.

Nabalot ng kontrobersya ang pagbabakuna sa piling miyembro ng PSG sapagkat ang mga itinurok na shots ay hindi aprubado ng FDA. Ipinagbabawal ng ahensya ang importation, distribution at paggamit ng unregistered drugs.

Gayunpaman, iginiit ni Dela Rosa na walang nilabag na batas ang PSG.

“Personal na desisyon mo na iyan kung ano’ng gawin mo sa buhay mo, lalo’t wala pa tayong gamot sa COVID-19 at iyong bakuna ay hindi pa institutionalized. Wala namang batas na bawal kayong magpabakuna,” sabi nito.

Nang taungin naman kung magpapabakuna ito kahit hindi pa rehistrado sa FDA, sumang-ayon ang senador.

Aniya, “Halimbawa, approved na sa China, hindi pa approved sa FDA natin, kung approved na sa China, siyempre may sariling FDA ang China ang FDA natin more on formality na lang iyan . . . Kung ito’y ginagamit na sa lugar nila, bahala na kayo d’yan, desisyon ko na kung ibakuna ko o hindi.”

Subalit, idiniin ni Dela Rosa na pipiliin niya ang gamot na may mas mataas na efficacy rate.

“Maganda sana iyong maganda ang brand na dito sa atin . . . Bahala na kung magkautang utang tayo. Iyong may highest efficacy na vaccine du’n ako, kung may available na,” paliwanag nito.

LATEST

LATEST

TRENDING