2 patay nang magliyab ang isang bus sa Commonwealth, QC

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Emergency Medical Services – BFP Quezon City

Dalawa ang nasawi habang apat naman ang sugatan matapos masunog ang isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Linggo.

Batay sa inisyal na ulat ng Quezon City Bureau of Fire Protection, patay ang konduktorang si Amelene Sembana at isang hindi pa nakikilalang lalaki.

Ayon sa drayber ng bus na si Valentino Obligasion, may binuhos ang isang lalaking pasahero sa kaniyang konduktora na naging sanhi ng pagliyab.

Aniya, “May nakaaway po yung konduktor na pasahero… Nung nakita na lang po, tumatakbo na yung konduktor ko, sinindihan siya nung pasahero… Dun na po nag-umpisa ang sunog.”

Pinaghihinalaang gaas aniya, na nakasilid sa isang maliit na bote, ang ibinuhos ng suspek sa konduktora, giit naman ng pasaherong si Jennifer Lutao.

“Nagbabangayan sila eh. Sabi ng lalaki ‘ano sabi mo, ano sabi mo?'” kuwento nito.

Dagdag pa, “Tinulak nitong kaaway niya papunta dun sa dulo, sa amin. Nung tumayo yung konduktura, inandihan niya na yung kaaway niya, yung pasahero. Sapakan na sila, suntukan.”

Ang pagliliyab ng bus ay naiulat sa noong 12:57 ng tanghali sa Pearl Drive Commonwealth, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

1:20 na ng hapon nang maideklara ang fire out, sabi naman ni SF03 Francisco Mabunga ng QC Central Fire Station.

Kasalukuyang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa insidente.

LATEST

LATEST

TRENDING