
Pansamantala ring iba-ban ng Pilipinas ang mga biyahero mula sa Estados Unidos simula Linggo dahil sa banta ng panibagong Covid-19 variant, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque noong Biyernes.
Ang travel ban ay iiral mula 12:01 am ng Enero 3 hanggang Enero 15. Ang US ang ika-20 na lugar na kabilang sa listahan.
Ang mga pasaherong manggagaling ng US o dadaan dito na darating bago mag-Linggo ay papahintulutang makapasok ng bansa, subalit kinakailangan nilang kumpletuhin ang 14-day facility-based quarantine, anuman ang maging RT-PCR test result ng mga ito.
Kinumpirma ng US ang kauna-unahang kaso ng UK coronavirus variant noong Disyembre 30. Ang nasabing pasyente na nasa kanyang 20s, ay napag-alamang mayroong bagong Covid-19 variant bagama’t hindi ito bumiyahe abroad.
Ang nasabing variant ay pinaniniwalaang mas nakakahawa at iniuugnay ito sa kamakailang surge ng mga kaso sa England.