Sara Duterte, nanguna sa presidential candidates survey ng Pulse Asia

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Davao City Mayor Sara Duterte

Nanguna si Davao City Mayor Sara Duterte sa isang survey ng Pulse Asia para sa mga posibleng kumandidato sa pagkapangulo sa 2022.

26 percent ng mga respondents ang pumili kay Duterte, na sinundan naman ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos at Senadora Grace Poe na nag-tie sa second place sa 14 percent.

Ang mga respondents sa Mindanao (58 percent) at Visayas (29 percent) ay nagpahayag din ng pagsuporta kay Duterte, ayon sa survey.

Ikatlo naman si Manila Mayor Isko Moreno sa 12 percent, na sinundan naman ni Sen. Manny Pacquiao sa 10 percent.

Ika-lima naman si Vice President Leni Robredo sa 8 percent, na sinundan naman ng mga senador na sina Panfilo Lacson at Christopher “Bong” Go na parehong tabla sa 6th place sa 4 percent.

Ayon kay Pulse Asia president Prof. Ronald Holmes, posibleng nakatulong sa alkalde ng Davao City ang kanyang apelyido para sa kanyang popularidad.

Aniya, “Ang kanyang apelyido ay Duterte at ang kasalukuyang pangulo ay Duterte. Nationally prominent ang pamilya. Siya mismo ay mayroon pinagkikilanlan sa kanya . . . halos universal ang awareness.”

“Kaya hindi natin matatanggal na maaaring sa roster ng partikular na kandidato ay mayroon isa sa apat ang nagsasabi, kung ginanap ang eleksyon nu’ng ginaganap ang survey, ay siya ang kanilang iboboto,” dagdag pa ni Holmes.

Iginiit din ni Holmes na posibleng naapektuhan ang resulta sa ethno-liguistic affinity ng mga kandidato sa mga botante.

“Ibig sabihin na may tendency ang mga taga-Mindanao, mga Bisaya na bumoto ng kandidato na galing sa parehong grupo,” wika nito.

Dagdag pa, “Kaya importante ritong tingnan natin kung sino sa kanila ang makakakuha ng suporta sa mga grupo na siya lamang ang nabibilang. Kung siya lang ang tatakbo galing Visayas maaring siya ang makakakuha ng malaking bahagdan ng mga boto na galing sa Visayas.”

Ang tatlo pang posibleng kandidato sa 7th, 8th at 9th place ay sina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano (3 percent), Sen. Richard Gordon (0.2 percent), at retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio (0.1 percent).

Sa Metro Manila, ang nangunang probable candidates para sa pagkapangulo ay sina Marcos (20 percent), Domagoso (18 percent), Duterte (16 percent), Poe (12 percent), at Pacquiao (12 percent).

Ka-tabla ni Poe sa Luzon sa 17 percent ay si Domagoso, na sinundan naman ni Marcos (16 percent), Robredo (13 percent), Duterte (12 percent), at Pacquiao (9 percent).
 
Ang pinapatok na presidential candidates para sa Class ABC ay sina Duterte (27 percent) at Marcos (21 percent); Nangunguna pa rin si Duterte sa pinakamataas na voters preference sa Class E sa 23 percent, na sinundan naman ni Poe (18 percent), at Pacquiao (14 percent).

Ayon kay Holmes, posible pang magbago ang pulso ng taumbayan sa mga susunod na buwan batay sa kanilang mga nakikita o naririnig sa social at traditional media.

Aniya, “Masasabi nating may bahagi ang social media dahil may tinatawag tayong digital device at maraming taong kumukuha ng impormasyon di lang sa social media kundi sa traditional media.”

“Medyo maaga pa at hindi rin natin madidiscount ang impormasyong nakukuha sa social media,” dagdag pa nito.

LATEST