Mga kongresistang napabilang sa corrupt list ng PACC, tinanggihan ang mga alegasyon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Ilang kongresista at isang dating mambabatas na iniuugnay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kurapsyon ang tumanggi sa mga paratang ng pinakamataas na opisyal noong Martes, at sinabing handa silang humaharap sa imbestigasyon upang patunayan ang kanilang pagiging inosente.

Bagama’t nilinaw na walang “hard evidence” laban sa mga mambabatas, inibunyag ni Duterte noong Lunes ang siyam na pangalan na kabilang sa listahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na pinaiimbestigahan para sa umano’y pagkakaugnay sa mga maanomalyang proyekto ng Department of Public Works and Highways.

Ang mga sumusunod na kongresista ay nakatanggap aniya ng kickbacks at nagpatupad ng ghost projects: Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez Sato, Quezon City Rep. Alfred Vargas, Northern Samar Rep. Paul Daza, Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, Bataan Rep. Geraldine Roman, Isabela Rep. Alyssa Sheena Tan, Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal, ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap, at dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Jr.

Binanggit din ng pangulo ang mga pangalan ng district engineers mula sa Department of Public Works and Highways na kasabwat aniya ng mga mambabatas sa mga iligal na aktibidad. Tinanggal na ang mga ito ni Duterte sa serbisyo noong Martes.

Si Rep. Angelina Tan, na tinukoy ni Duterte na sangkot sa isang “anomalous” national road project sa Quezon Province, ay iginiit na “malicious” at “prejudicial” ang pagpapabilang ng kanyang pangalan sa binasang listahan. Ang bahagi aniya ng  ₱800-milyong bypass road sa Gumaca, Quezon na kanyang pinangunahan ay ginagamit na.

“It holds no water due to the lack of evidence — a fact which was also pointed out by the President in the same speech,” pahayag ni Tan noong Martes.

Ayon naman Sato, Daza, at Vargas, posibleng pamumulitika ang motibo ng pagpapabilang ng kanilang pangalan sa listahan.

Sinabi ni Sato na si PACC Commissioner Greco Belgica ay kilalang kaalyado ng pulitikong nagbabalak tumakbo sa 2022 elections.

Aniya, “The report made by Commissioner Belgica which impinges on my credentials as a public servant is clearly calculated to sow intrigues and disruption in the local politics of Occidental Mindoro.”

Ayon naman kay Vargas: “Mukha pong napadalhan ang PACC ng maling impormasyon ng mga nakakalaban natin sa pulitika.”

“It stemmed from, what I believe, a malicious complaint filed before the PACC by my local political opponents,” wika naman ni Daza.

Pinabulaanan naman nina Isabela Rep. Tan at Oaminal na nag-aari sila ng construction companies sa kani-kailang mga lalawigan.

“I have never owned any construction company. I do not have any shares in any construction company. This truth can easily be verified by the PACC,” ani Tan.

“When I became Congressman, I sold all my shares in accordance with law. Upon verification, HSO Construction Corporation does not have any construction projects in all government agencies in Misamis Occidental, including DPWH,” tugon naman ni Oaminal.

Binigyang diin naman ni Roman ang track record ng kanyang pamilya sa pagseserbisyo sa mga residente ng Bataan.

Aniya, “I am open to any investigation to establish the truth on this matter and I am sure that my honor will be vindicated. My conscience is clear,” she added.

Tinanggihan naman ni Yap ang panghihimasok sa bids sa Benguet at pag-endorso ng isang DPWH district engineer upang kontrolin ang awarding ng mga proyekto, at sinabing ang listahan ng PACC ay batay sa anonymous tips.

Aniya, “Bilang PACC you should be responsible. Ang ginagawa niyo, nagwi-witchhunt kayo.”

Kinuwestyon nito ang timing ng pagbubunyag ni Belgica sa umano’y ugnayan ng mga kongresista at district engineers. Lumitaw lamang aniya ang isyu simula nang maharap si Belgica sa reklamo mula sa mga manggagawa ng Duty Free Philippines Corporation sa ilalim ng Ombudsman noong Oktubre. Maghahain umano si Yap ng resolusyon sa Enero 2021 upang paimbestigahan ang isyu.

Samantala, tinanggihan naman ni Baguilat na nakatanggap siya ng kickback noong siya ay umuupo pa bilang congressman. Ginagamit lamang aniya ng pangulo ang listahan ng PACC bilang diversionary tactic sapagkat naibunyag sa parehong araw na ang kanyang Presidential Security Group at ilang miyembro ng militar ay naturukan na ng unregistered Covid-19 vaccines at nilabag ang vaccination priority list.

“As usual, they want to divert people’s attention with their latest dud. #LumangTacticNaIyan,” giit ni Baguilat sa isang tweet.

Inihayag naman ng infrastructure projects watchdog na Infrawatch PH na ang pagsisiwalat ng pangulo ng mga pangalan ng umano’y kurap na mga mambabatas ay posibleng ikasira ng anti-corruption efforts ng pamahalaan sapagkat tila nagiging “witch hunt” ito ng mga personalidad sa halip na sugpuin ang sistematikong kurapsyon.

“This unvetted disclosure unfairly prejudges named legislators and district engineers and tarnishes the integrity of Congress and the DPWH. Worse, this puts the President in an unnecessary and awkward collision course with Congress on the basis of unvetted information,” paglilinaw ni Infrawatch PH convenor Terry Ridon.

LATEST

LATEST

TRENDING