Duterte, muling binanatan ang ICC at dinipensahan ang kanyang drug war

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Muling pinaulanan ng pambabatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ang International Criminal Court (ICC) para sa pagnanais nitong paimbestigahan ang kampanya kontra iligal na droga ng kanyang administrasyon.

Sa isang taped speech, ipinagtanggol ni Duterte ang anti-illegal drug campaign, at iginiit na inihalal siya ng taumbayan upang sugpuin ang kalakalan ng iligal na droga bilang kabahagi ng kanyang pangako noong eleksyon.

Aniya, “I did what I am bound to do. That’s my election promise. Pag ‘yan ang suwerte inabutan ko, so be it. ‘Yun na ‘yun.”

Ipinaliwanag ni Duterte na ang kanyang kampanya kontra iligal na droga ay layong protektahan ang mga tao mula sa drug lords at coddlers na sanhi aniya ng pagwasak sa mga pamilya.

“Yung human rights, I said do not destroy my country. And if you destroy the youth of my land, you are destroying my country so that I will kill you,” giit ng pangulo.

Kinuwestyon din nito ang ICC dahil sa panghihimasok sa mga aktibidad ng mga bansa.

“In the first place, why are you interfering in the affairs of my country and other countries? And who gave you the authority? By what divine law gave you the authority to prosecute me in a foreign land tapos ang nakaupo puro kayong mga puti na ulol,” pagbibigay diin ng pangulo.

Ayon kay Duterte, walang jurisdiction ang ICC sapagkat gumagana pa ang mga korte sa Pilipinas.

Aniya, “We have the courts here are functioning and if the courts say I will go to jail, I will go to jail. Walang problema ‘yan.”

Noong Disyembre 16, inihayag ng pangulo na hindi siya natatakot na harapin ang epekto ng kanyang drug war dahil ginawa niya umano ito para sa ikabubuti ng lahat.

“Ako, magpakamatay ako sa prinsipyo ko. Kung iyang prinsipyo ko na ‘yan ikamatay ko, okay ‘yan sa akin. Ipakulong ako habangbuhay, okay sa akin ‘yan. Ginagawa ko ang tama,”sabi ni Duterte.

Unang naglabas ng ulat si ICC prosecutor Fatou Bensoudana, kung saan nakasaad na mayroong “reasonable basis” upang paniwalaang nagsagawa ng crimes against humanity si Duterte at ang kanyang administrasyon sa ipinatutupad na kampanya kontra iligal na droga.

Noong 2018, tumiwalag ang Pilipinas mula sa ICC matapos itulak ni Bensouda ang pagsasagawa ng preliminary examination mula sa inihaing communication ng abogadong si Jude Sabio sa international tribunal.

Ayon kay Sabio, si Duterte ang salarin para sa crimes against humanity na nag-ugat sa umano’y libu-libong extrajudicial killings ng drug suspects bunsod ng drug war simula Hulyo 1, 2016 hanggang Marso 31, 2017. Kinalaunan ay ibinasura rin nito ang inihaing communication sa international tribunal.

LATEST

LATEST

TRENDING