PRRD, pinangalanan ang mga umano’y kurap na kongresista bagama’t walang ‘matibay na ebidensiya’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ang listahan, mula sa Presidential Anti-Corruption Commission, ng mga kongresistang umano’y sangkot sa katiwalian sa infrastructure projects bagama’t walang ebidensiya para sa mga nasabing paratang.

Sinibak din ni Duterte ang ilang district engineers ng Department of Public Works and Highways dahil sa pagkakasangkot sa kurapsyon.

Ilan sa mga pangalang nakalista ay sina: Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez Sato, Quezon City Rep. Alfred Vargas, Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal, Isabela Rep. Alyssa Sheena Tan, Northern Samar Rep. Paul Daza, Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap, Bataan Rep. Geraldine Roman, at dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat, Jr.

Nadismaya sina Baguilat, Sato, Roman at Daza dahil sa pagpapabilang ng kanilang mga pangalan sa listahan.

“Yung meron ebidensya na nag Mañanita at lumabag sa batas e promoted. Yung wala naman ebidensya na kumuha ng kickback, tinira sa primetime TV. I am aggrandized,” pahayag ni Baguilat sa isang Tweet.

“I am devastated! This has no basis and grossly unfair! I do not have any involvement in corruption!” wika naman ni Sato sa kanyang official Facebook page habang hinamon nito si PACC Commissioner Greco Belgica na patunayan ang mga akusasyon laban sa kanya.

“I am open to any investigation to establish the truth on this matter and I am sure that my honor will be vindicated. My conscience is clear,” sabi naman ni Roman sa kanyang official Facebook page.

Ayon naman kay Daza, ang mga alegasyon ay “baseless and malicious,” at iginiit na hakbang lamang aniya ito upang siraan ang kanyang pangalan.

Iginiit ng pangulo na ang mga nabanggit na kongresista ay nakatanggap ng kickbacks mula sa mga proyekto at pagpapatupad ng ghost projects, at kinakailangan aniyang malaman ng taumbayan ang kanilang mga pangalan.

Subalit, nilinaw nitong walang matibay na ebidensiya laban sa kanila.

“Whether ako ang magbasa o hindi, lalabas talaga ito because they have the right to have access to information,” ani Duterte.

Dagdag pa nito, “I just want to assure everybody na yung pagbasa sa pangalan niyo is not a condemnation or an indictment that you are guilty of something.”

Inutusan din ng pangulo si DPWH Secretary Mark Villar na i-reshuffle ang district engineers sa buong bansa.

Aniya, “I will ask Secretary Villar for the list of all state engineers and all the districts they are assigned all over the country. I will reorganize the assignments.”

Samantala, inihayag naman ng infrastructure projects watchdog na Infrawatch PH na ang pagsisiwalat ng pangulo ng mga pangalan ng umano’y kurap na mga mambabatas ay posibleng ikasira ng anti-corruption efforts ng pamahalaan sapagkat tila nagiging “witch hunt” ito ng mga personalidad sa halip na sugpuin ang sistematikong kurapsyon.

“This unvetted disclosure unfairly prejudges named legislators and district engineers and tarnishes the integrity of Congress and the DPWH. Worse, this puts the President in an unnecessary and awkward collision course with Congress on the basis of unvetted information,” paglilinaw ni Infrawatch PH convenor Terry Ridon.

LATEST

LATEST

TRENDING