FDA: Duterte, walang kinalaman sa Covid-19 vaccination ng PSG

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Sinabi ng pinuno ng Food and Drug Administration na walang ginawang kasalanan si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa kontrobersyal na pagbabakuna ng Presidential Security Group at iba pang personnel.

Nang tanungin sa isang briefing kung dapat panagutin si Duterte tungkol sa pangyayari, sinabi ni Domingo na: “Palagay ko hindi naman siguro si Presidente (ang) nagturok or nagbigay ng bakuna. Ang bawal po kasi talaga yung pag-import, pag-distribute at pag-administer ng bakuna.”

Ayon kay Domingo, nais nilang kumalap ng impormasyon kung sino ang responsable sa nangyari, at hihintayin nila ang resulta ng imbestigasyon.

“But I think the President had no direct hand in vaccinating any individual,” dagdag pa nito.

Sa isang hiwalay na briefing, iginiit ni Domingo na hindi kinonsulta ang FDA at Department of Health tungkol sa ginawang pagbabakuna.

Idiniin ni Domingo na gusto nilang malaman kung anong bakuna ang ginamit para sa mga miyembro ng PSG, kung saan nanggaling ang mga hindi rehistradong bakuna, at kung sino ang nagturok nito.

Hindi umano ito ipinagbigay-alam sa FDA at DOH, kung saan ikinagulat din ito ni Health Secretary Francisco Duque III. Noong Lunes lamang umalingawngaw ang balita tungkol sa vaccination ng PSG.

Ayon naman kay Presidential spokesman Harry Roque, nanggaling sa donasyon ang mga nasabing bakuna at hindi ito dapat pagtuunan ng pansin sapagkat pawang “tokens” lamang aniya ang mga ito. Subalit, binigyang diin ni Domingo na kahit pa donated ang mga bakuna, dapat pa ring kumuha ito ng clearance mula sa mga concerned agencies.

Sa ilalim ng FDA Act, ang mga mag-iimport, magbebenta, o magdi-distribute ng kahit anumang unregistered health product ay maaaring makulong o pagmultahin. Ang mga naturukan ng bakuna ay hindi kakasuhan, kundi ang mga mag-iimport, magbebenta, o magdi-distribute sa mga ito.

Sumang-ayon naman si Domingo at DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire na hindi pa malinaw kung binigyang awtoridad ni Duterte ang palihim na pagbabakuna.

Noong Disyembre 26, inihayag ng pangulo na “halos lahat ng sundalo” ay nabigyan na ng bakuna kontra Covid-19 mula sa Sinopharm ng China. Hindi pa nag-aapply ang kumpanya na magsagawa ng trials o mag-apply para sa emergency use authorization sa bansa.

LATEST

LATEST