Palasyo, hinihintay ang evaluation ng NTC tungkol sa telco services

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Hinihintay ng Malacañang ang National Telecommunications Commission (NTC) na magsumite ng opisyal na evaluation tungkol sa estado ng improvements sa serbisyo ng mga telecommunication companies sa bansa.

Sa isang Malacañang press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pagdedesisyunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kapalaran ng mga telcos matapos i-review ang evaluation ng NTC.

Aniya, “I’m still waiting for the official evaluation to be submitted to the Office of the President coming from the NTC. So, if Commissioner Liel (Gamaliel Cordoba) is watching our press briefing, hinihintay po ng Office of the President iyong evaluation na ipinangako ninyo po na isumite before end of the year.”

Iginiit ni Roque na wala siyang alam kung ano ang sasabihin ng pangulo tungkol sa telco services.

“I’m not the President, I cannot definitely say that. But what I can say is the President is awaiting the official evaluation from the regulatory body and as soon as it is submitted to him, then I’m sure I can insist that he come up with a public reaction to the evaluation,” ani Roque.

Sa kanyang state of the nation address noong Hulyo, binigyan ni Duterte ang parehong Smart Communications at Globe Telecom nang hanggang Disyembre upang ayusin ang serbisyo ng mga ito kundi ipasasara niya umano ang mga ito.

Noong Disyembre 1, inamin ni Roque na walang naging improvement sa telco services batay sa kanyang personal na karanasan.

Sinabi rin nitong maraming Pilipino maging si Duterte, ang sasang-ayon sa kanyang pahayag na walang naging mahalagang pagbabago sa telco services.

Subalit, noong Disyembre 8, iginiit ni Cordoba na ang average fixed broadband speed ng bansa ay tumaas mula 25.07 Mbps (megabits per second) noong Hulyo 2020 sa 28.69 Mbps noong Nobyembre 2020, apat na buwan simula nang magbabala si Duterte.

Umakyat din ang mobile download speed mula 16.95 Mbps noong Hulyo 2020 sa 18.49 Mbps noong Nobyembre 2020.

Ayon kay Cordoba, ang mga naging pagbabago sa internet ay dulot ng “political will” ng pangulo at malapit na pakikipagkooperasyon sa iba’t-ibang ahensya.

Ang mga naging pahayag ni Duterte ay nagresulta rin aniya sa mahigit na 100 percent increase sa issuance ng construction permits para sa telco companies.

Sinabi naman ni Cordoba na makakaasa ang publiko ng mas maraming improvements sa susunod na taon kapag nakapag-umpisa na ang DITO sa commercial operations nito pagsapit ng Marso 2021.

LATEST