PH, wala pang travel ban sa mga bansang may naiulat na bagong Covid-19 strain: Año

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Hindi pa magpapatupad ng travel ban ang Pilipinas para sa ibang mga bansa bunsod ng pagkakatuklas ng panibagong Covid-19 strain sa UK hangga’t mayroong community transmission doon, giit ni Interior Secretary Eduardo Año noong Linggo.

Simula Disyembre 24, sinuspinde na ng Manila ang mga flights na nanggagaling ng UK, kung saan nadiskubre ang nasabing bagong strain. Itinakda itong magtapos sa Disyembre 31 subalit muli itong pinalawig ng gobyerno nang dalawa pang linggo.

Nagpatupad din ng mandatoryong 14-day quarantine para sa mga dumating bago inanunsyo ang ban, kung saan kasama rin ang mga biyaherong magmumula sa mga bansa kung saan naiulat ang panibagong Covid-19 variant.

“Bago mo i-consider ang isang bansa na iba-ban natin, kapag talagang meron na dung tinatawag nating community transmission. Kapag sila mismo ‘di ma-control ang community transmission,” paliwanag ni Año.

Ang mga bansang Japan, France, Ireland, at Singapore ay ilan lamang sa nag-ulat ng mga kaso ng bagong coronavirus strain.

Hindi pa nagdedesisyon ang Pilipinas para sa pagpapatupad ng bagong lockdown, ayon kay Año, na nagsisilbi ring vice chairperson ng Inter-Agency Task Force against Covid-19.

Aniya, “Di pa naman masasabi na magla-lockdown tayo kasi ako naman ay ‘di rin ako sang-ayon na mag-lockdown tayo. Kailangan dito, bantayan natin ang border at ipatupad natin ang health protocols at wala namang laban ang virus na ‘yan ‘pag ikaw ay nag-iingat at naka-mask.”

“Pinakatalaga depensa natin dito, ‘wag tayo mag-relax, sumunod tayo sa pag-uutos. Wala munang get-together, reunion, festivities…para sigurado na maitawid natin ito,” dagdag pa ng kalihim.

LATEST

LATEST

TRENDING