
Habang papalapit ang Bagong Taon, pinaalalahanan ng Interior Department ang mga nagbebenta ng paputok at pyrotechnics na i-check ang mga umiiral na ordinansa hinggil sa kanilang mga produkto.
“Ang pinaka-mainam po ay alamin ng mga firecracker or pyrotechnics sellers ang umiiral na ordinansa dun sa kani-kanilang mga lugar para malaman nila kung pwede sila magbenta,” paglilinaw ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya sa isang online briefing noong Sabado.
Dagdag pa nito, “Kasi hindi rin naman sila iisyuhan ng permit kung ito ay pinagbabawal ng munisipyo.”
Pinaalalahanan din ni Malaya ang publiko tungkol sa ban sa ilang piling paputok alinsunod sa inilabas na Executive Order 28 noong 2017. Halimbawa na rito ay ang watusi at piccolo, na mga pangunahing sanhi ng firecracker-related injuries noon.
Nilimitahan ng Executive Order 28 ang paggamit ng paputok at pyrotechnics sa community fireworks displays, na maaari lamang gamitin tuwing may selebrasyon, pagdiriwang, kompetisyon, o kaparehong event na hindi gaganapin sa tahanan.
“Tungkol naman po doon sa mga community fireworks, nandun din po sa LGU yung discretion kung ito ay kanilang papayagan or hindi,” dagdag pa ni Malaya.
Sa parehong briefing, sinabi naman ni Health Spokesperson Ma. Rosario Vergeire na nakapagtala sila ng sampung firecracker-related injuries sa ngayon, at ang mga ito’y hindi seryoso o nakamamatay.
Nitong buwan, naunang kinonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nationwide ban sa mga paputok dahil sa health and safety concerns.