Duterte: Mga rebeldeng komunista, makakukuha rin ng Covid-19 vaccine

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Sabado na ang bibilhing Covid-19 vaccine ng pamahalaan ay magiging available din para sa mga rebeldeng komunista.

Nitong buwan, tinanggihan ng pangulo ang taunang holiday ceasefire sa Communist Party of the Philippines at sa armadong pangkat nitong New People’s Army (NPA).

“The vaccine is available to every Filipino citizen, including the communist NPAs. So that you can fight better, you are healthy because I know you will die ‘pag hindi talaga kayo, mamamatay talaga kayo,” diin ng pangulo sa pagpupulong kasama ang Inter-Agency Task Force against Covid-19.

Dagdag pa nito, “We will make available to you ito. In the name of humanity, we will not deny kasi ano yan eh. Just to make you healthy so that you will die ‘pag hindi kayo naghinto sa—you stop.”

Noong Hulyo, inalok ni Duterte ng Covid-19 vaccines ang mga NPA kung ihihinto ng mga ito ang pakikipaglaban sa mga sundalo.

Ayon naman kay Food and Drug Administrator Eric Domingo, hindi puwedeng tanggihan ng mga doktor at nurses ang pagbibigay ng bakuna sa mga rebelde.

Aniya, “Pag pumunta po sa barangay health center, baka po ‘di naman natin pwedeng i-turn away dahil ‘yun pong ating mga doctor at nurse ay sumumpa sila na lahat ay gagamutin nila at bibigyan nila ng serbisyo.”

“Kung pumunta po siguro nang kusangloob, baka po kailangan bigyan din natin tulad ng ibang mamamayan,” dagdag pa ng opisyal.

Muli namang binanatan ng pangulo si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, na kanyang inakusahan bilang miyembro ng CPP kung saan pinapag-aral umano nito ang kanyang anak sa Europa gamit ang “taxation” ng mga rebelde.

Unang sinabi ni Zarate na siya ay “always ready and willing to talk” kung ito ay makabubuti sa taumbayan.

“It has nothing to do with the interest of the people. It is a question which I would like to ask you, saan mo kinukuha ang pera to finance the study of your son sa Europe?” tanong naman ni Duterte.

Dagdag pa nito, “You are lying actually and because the money that you finance the study of your child is taxation. Ang taxation, ito ang mga loko-loko na you allow, nagpapagamit kayo sa mga tarantado na lider na ito.”

Dinidipensahan ng mga rebeldeng komunista ang pangongolekta ng tinaguriang “revolutionary tax” mula sa mga kumpanya at itinatanggi nila na isa itong uri ng extortion, sapagkat bahagi aniya ito ng operasyon ng pamahalaan rebolusyunaryo upang makapagbigay ng serbisyo sa mga taong kanilang nasasakupan.

Hindi pa nagbibigay ng tugon si Zarate sa mga birada ng pangulo laban sa kanya. Itinanggi rin nito at ng kanyang mga kapwa mambabatas sa Makabayan bloc na sila ay legal fronts ng CPP-NPA-NDF.

LATEST

LATEST

TRENDING