Travel industry, umaasang makakabangon sa 2021

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Cristina Arayata (PNA)

Umaasang muling makakabangon ang travel industry sa susunod na taon, habang mas dadami pa ang mga biyahe kasabay nang pag-akyat ng kumpiyansa ng publiko dahil sa paparating na Covid-19 vaccines.

Tinitingnan ng budget airline na AirAsia Philippines ang pagbabalik-normal ng domestic flight operations nito sa ikaapat na quarter ng 2021, habang ang international flights naman sa ikatlong quarter.

Ayon kay AirAsia Philippines CEO Ricky Isla, ang estimates na ito ay batay sa anunsyo ng pamahalaan na magiging available na ang Covid-19 vaccines sa bansa pagsapit ng ikalawang quarter ng 2021.

“That is going to build a strong confidence therefore for our passengers to fly especially if they know there’s vaccine,” ani Isla, na siya ring chairman ng Air Carriers Association of the Philippines.

Napilitang magtigil-operasyon ang maga airlines mula Marso hanggang Mayo nang ipatupad ang striktong lockdown o enhanced community quarantine sa Luzon, na nagresulta sa pagbagsak ng ekonomiya at pagkawala ng trabaho ng maraming empleyado.

Samantala, ang Victory Liner, isa sa mga pinakamalaking bus companies ng bansa, ay nagtanggal ng 400 empleyado dahil sa pandemiya. Mas maraming provincial routes ang binubuksan subalit nakadepende ang passenger turnout sa mga patarakang pinapariral ng local government units.

“I think around the first or second quarter, medyo luluwag na ‘yung kanilang mga rules and regulations in the LGUs so hopefully we see something going on within the first and second quarter,” paliwanag ni Victory Liner operations manager Aleksandr Briones.

Inamin naman ng sea travel provider na 2GO na nakaranas ito ng kagipitan dahil sa paglilimita sa carrying capacity ng mga barko nito sa 50% lamang ng total passenger capacity.

“Eventually, once the vaccine is deployed, then we would increase capacity,” sabi ni 2GO Chief Operating Officer Waldo Basilla.

Patuloy na hinikayat ng pamahalaan ang publiko na manatili sa bahay ngayong panahon ng Kapaskuhan upang mapigilan ang paglaganap ng coronavirus.

Inihayag ng AirAsia na nilagyan nila ang kanilang mga eroplano ng special filters na kung tawagin at HEPA o high-efficiency particulate air systems na katulad ng mga nasa hospital operating rooms.

“These HEPA filters actually revolves the air every two minutes, it disinfects and kills 99.9% of virus including coronavirus,” sabi ni Isla.

Binanggit naman ng Victory Liner na sumusunod ito sa kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na maglagay ng filtration systems sa mga buses. Ang lahat ng buses ay dini-disinfect bago umalis at dumating sa mga terminals, sabi naman ni Briones. Nakalagay din umano ang mga barriers upang mapigilan ang contact sa mga pasahero.

Aniya, “Most of our buses, we’re trying to convert them to three rows where there’s almost 1.5 meters apart away from each other.”

Ayon naman sa 2GO, nagpapatupad ito ng mga striktong hakbang sa pag-uumpisa ng pandemiya tulad ng pag-convert sa mga barko nito bilang quarantine facilities para sa mga nagsisipag-uwiang overseas Filipino workers at manlalayag.

LATEST

LATEST

TRENDING