Galvez: PH, posibleng makakuha ng 60-M na karagdagang Covid-19 vaccines sa 2021

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Posibleng makakuha ang Pilipinas ng karagdagang 60 milyong Covid-19 vaccine shots sa ikalawa at ikaltong quarters ng 2021, ayon kay Vaccine czar Sec. Carlito Galvez noong Lunes.

Sa isang briefing, idiniin ni Galvez ang naging unang pahayag ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na tiniyak ng India-based manufacturer ng Novavax vaccines na magde-deliver ito ng 30 milyong doses ng bakuna sa Pilipinas, nang walang nire-require na cash advance.

Sinabi rin ni Galvez na bibili ang pamahalaan ng karagdagang 20 milyon doses ng AstraZeneca Covid-19 vaccine. Sa ngayon, isang supply deal pa lamang ang nilalagdaan ng Pilipinas, kung saan nakasiguro ito ng 2.6 milyong shots mula sa AstraZeneca sa tulong ng pribadong sektor.

“Baka this coming next week, either Dec. 28 or 29, inaantay lang namin ‘yung Ministry of Health na regulatory authorization ng UK at pwede na po naming pirmahan ‘yung kontrata,” ani Galvez.

Dagdag pa nito, “Kung magkakaroon po tayo ng pirmahan, meron po tayong 60 million for second quarter and third quarter.”

Samantala, sinabi naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ha hindi makakukuha ang Pilipinas ng shots mula sa Pfizer sa nalalapit na hinaharap, matapos punain ng mga opisyal at ng publiko ang umano’y kapabayaan ng gobyerno na makakuha ng access sa bakuna nito, na kilala bilang may pinakamataas na efficacy rates.

Inakusahan ng ilang mga opisyal si Health Secretary Francisco Duque III, isa sa mga pinakamalapit na kaalyado ng pangulo, na “naglaglag ng bola” sa plano ng bansa na mag-procure ng Pfizer vaccine, na ngayon ay ginagamit na sa United Kingdom at Estados Unidos.

“‘Yung mga mayaman, na doon pa ginagawa sa kanila ang vaccine, kagaya ng Pfizer, uunahan talaga ang Amerika. There’s no such available vaccine sa Pfizer ngayon. Walang sila maibigay eh ginagamit nga sa Amerika eh,” giit ni Duterte.

Dagdag pa ng pangulo, “Let us be clear on this. There is, as yet, no Pfizer vaccine available for the Philippines. And for a long time. Wala pa, binabakunahan ang mga Amerikano lahat, agawan sila ngayon.”

Idiniin naman ng pangulo sa publiko na sa kanya lamang makinig at huwag pansinin ang mga kritiko, matapos magalit ang ilang netizens dahil sa kapabayaan ng gobyerno na makakuha ng bakuna galing Pfizer.

Aniya, “Walang ginawa ‘yan kun’di mag-intriga. Makinig lang kayo sa’kin.”

Subalit, naunang sinabi naman ni Locsin na ang 10 milyong doses ng Pfizer Covid-19 vaccine, na dapat ay gagastusan ng World Bank at Asian Development Bank, ay itinakdang ipadala sa Clark, Pampanga sa Enero.

Natanggap na ng Singapore ang unang batch ng Pfizer vaccine noong Lunes, ayon sa flag carrier nito.

LATEST

LATEST

TRENDING