Pamilya Gregorio, umaasang matutupad ang utos ni PRRD tungkol sa sintensya ni Nuezca

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Umaasa ang pamilya ni Sonya at Frank Anthony Gregorio, ang nanay at anak na pinatay ng kanilang kapitbahay na pulis, na maisasakatuparan ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na patawan ang suspek ng striktong sintensya.

Sa isang naunang public address, nagalit si Pangulong Rodrigo Duterte kay Police Staff Sgt. Jonel Nuezca, at inutusan ang mga awtoridad na ikulong ito dahil sa nagawang malubhang krimen.

“Sana nga po matupad ‘yun ni Pangulong Duterte, na sinabi niya pong ganoon,” ani Florentino Gregorio, asawa ni Sonya, noong Miyerkules.

Dagdag pa nito, “Matutuwa po ako kung ganoon ang mangyayari po. Talaga pong napakasakit sakin na nawala ‘yung dalawa kong mahal sa buhay.”

Nahaharap si Nuezca sa dalawang counts ng murder matapos ang nangyaring pamamaril sa Paniqui, Tarlac noong Linggo. Nakunan ng video ang insidente at kinalaunan ay nag-viral sa social media – bagay na ikinagalit ng taumbayan.

Sinimulan na ang mga imbestigasyon ng pamahalaan at ng isang rights group. Nilalakad na rin ng Philippine National Police ang kasong administratibo laban sa suspek.

Samantala, kinuwestyon naman ni Gregorio kung bakit nanatili pa rin sa serbisyo si Nuezca bagama’t nagkaroon na ito ng maraming mga kaso noon.

Aniya, “Nangangamba ako dahil ang dami niya na palang kaso, nakakawala pa rin. Pulis pa rin hanggang ngayon.”

LATEST

LATEST

TRENDING