Sinas, hindi inirekomenda ang pagkuha ng litrato o videos sa crime scene

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
PNP Chief Police General Debold Sinas

Iginiit ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Debold Sinas noong Lunes na hindi niya irerekomenda sa publiko ang pagkuha ng litrato o video tuwing may nagaganap na krimen, tulad ng nakapanlulumong insidente ng pamamaril sa Paniqui, Tarlac na ikinasawi ng isang mag-ina.

Sa isang press conference, tinanong si Sinas tungkol sa kanyang reaksyon nang sumang-ayon ang publiko sa pagkuha ng video ng nasabing insidente ng pamamaril na kinasangkutan ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuezca upang hindi madaling makalusot ang suspek.

Ayon kay Sinas, ang pagkuha ng litrato o video ay maaaring ikapahamak ng mga testigo.

Aniya, “I think nasa mga tao po ‘yun, sa mga witness na kumuha. I will not advise because very tricky ‘yun. Baka mamaya kumuha ka ng video tapos baka mababalingan ka, so sa inyo po ‘yun.”

“If I may suggest, kung may mga ganoong incident, we just witness at saka ‘wag na tayo mag-interfere lalo na pag armed or dangerous ‘yung suspect or ‘yung mga involved,” dagdag pa ni Sinas.

Kung nais umano talaga ng mga sibilyan na kumuha ng larawan o videos, dapat tiyaking malayo aniya sila sa crime scene.

Inabisuhan din ng PNP ang publiko na huwag ipo-post ang mga videos o larawan sa social media, at dapat ipakita na lang sa halip sa mga awtoridad upang magamit bilang ebidensiya.

Aniya, “Instead of having it posted sa internet, baka makuwan pa, matamper pa. Show it officially to the investigators at magtestify ka na ikaw ang kumuha.”

Kinundena ni Sinas ang insidente, at tiniyak na makakamit ang hustisya para sa mga biktimang sina Sonya Rufino Gregorio at anak na si Frank Anthony.

Gayunpaman, iginiit ng PNP chief na isolated case ang naganap na insidente. Inatasan naman ang PNP Internal Affairs Service na imbestigahan ang insidente.

Kasalukuyang nasa kustodiya si Nuezca ng Paniqui Police Station matapos itong sumuko sa mga awtoridad. Bukod sa kasong double murder, sasampahan din ito ng kasong administratibo.

LATEST

LATEST