Roque: Pagpapahintulot ng pamahalaan ng magdala ng baril ang mga pulis na off-duty, ‘di babaguhin

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Hindi magbabago ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapahintulot sa mga pulis na magdala ng armas kahit wala sa trabaho, bagama’t naging suspek ang isang off-duty na pulis sa pagpatay sa isang mag-ina sa Tarlac, giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Lunes.

Ayon kay Roque, ang pamamaril ng pulis na si Jonel Nuezca, ay hindi makapagbabago sa palisiya ng pamahalaan.

Aniya, “Siyempre ang baril ay para sa proteksyon ng kapulisan, hindi iyan para gamitin sa personal na kaaway. Policy cannot be formulated on the basis of aberrations.”

Iminungkahi naman ni Senador Panfilo Lacson, isang dating PNP Chief, para sa PNP ang pag-surrender ng opisyal na baril habang hindi naka-duty.

“Never too late for the PNP to consider applying this policy especially when self-discipline is not exactly a virtue among some policemen,” giit ng senador.

Si Nuezca ay nahaharap sa kasong double murder dahil sa marahas na pagbaril sa kanyang mga kapitbahay na sina Sonya at Frank Anthony Gregorio sa Paniqui, Tarlac.

Sina Nuezca at ang pamilya Gregorio ay mayroong away sa right-of-way, subalit ang nangyaring pamamaril ay nag-ugat aniya sa pagpapasabog ng PVC cannon o “boga” mula sa panig ng mga Gregorio. Sinugod ng suspek ang bahay ng mga biktima at agarang naging mainit ang sagutan, na nauwi sa pamamaril ni Nuezca sa ulo ng nasabing mag-ina.

Ayon kay Roque, walang kawala si Nuezca sa batas sapagkat matibay ang ebidensiya laban sa kanya dahil nakunan ito ng video.

Aniya, “Bakit poprotektahan ni Presidente iyan eh hindi naman iyan service-related? Iyan ay pribadong bagay, nagkataon lang pulis siya pero kinakailangan siyang managot.”

LATEST

LATEST

TRENDING