Pulis, nahaharap sa kasong murder dahil sa pamamaril ng mag-ina sa Tarlac

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Suspek na si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca

Isang pulis mula Parañaque City ang nahaharap sa kaso ng double murder matapos pagbabarilin ang isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac, giit ng mga awtoridad noong Lunes.

Ayon sa police report, tumakas si Senior Master Sergeant Jonel Nuezca matapos pagbabarilin ang 52-anyos na si Sonya Gregorio at kanyang anak na si Frank Anthony Gregorio, 25, sa Purok 2, Barangay Cabayaoasan, Paniqui, Tarlac noong Linggo ng hapon. Isang oras matapos ang insidente, sumuko si Nuezca sa Rosales Pangasinan Municipal Police Station. Isinuko rin nito ang isang PNP-issued 9mm semi-auto pistol na ginamit sa pagpatay.

Sinabi ni PNP Region 3 Chief BGen. Val de Leon na dalawang kaso ng murder ang isasampa laban sa suspek na pulis habang tiniyak ng Department of Interior and Local Government ang isang mabusisi, patas, at mabilis na imbestigasyon.

Walang inirekomendang piyansa, ani de Leon.

Sa isang panayam, sinabi naman ng Paniqui police chief na ang dalawang magkabilang panig ay sangkot sa sigalot tungkol sa right-of-way, subalit ang pinag-ugatan ng pamamaril ay ang pagpapaputok ng PVC cannon o boga mula sa panig ng mga Gregorio.

“Pumunta doon para i-confront sila then naungkat na ang usapin sa right of way, hanggang napunta sa insidente na iyon. Parang na-trigger ang galit ng suspek nang magkasagutan iyong anak niya at ang biktimang matanda,” paliwanag ni Police Lieutenant Colonel Noriel Rombaoa.

Nakunan ng video ang nangyaring pamamaril at nag-viral na ito sa social media. Makikita ang suspek kasama ang kanyang batang anak na babae sa isang mainit na sagutan kasama hindi armadong si Frank Anthony, na inaawat ng kanyang ina. Sumigaw naman ang anak ni Nuezca ng “my father is a policeman,” kung saan sinagot naman ito ni Sonya at sinabing wala siyang pakialam. Nagbanta naman ang isang galit na Nuezca kay Sonya bago niya ito barilin sa ulo, at saka pinagbabaril si Frank Anthony nang dalawang beses bago muling barilin si Sonya na nakahandusay na sa lupa.

Tinuligsa naman ng mga senador, ilang personalidad, at mga netizens ang naging papel ng PNP sa umano’y serye ng mga pagpatay sa bansa. Humihiling sila ng hustisya para sa mag-inang Gregorio habang ipinananawagan ang pagwawakas ng police brutality at impunity sa Pilipinas.

Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra noong Lunes ng hapon, mayroong probable cause para kasuhan si Nuezca.

Aniya, “Upon inquest, the office of the provincial prosecutor of Tarlac has found probable cause to indict respondent Jonel Nuezca for two counts of murder.”

Kinundena naman ng Commission on Human Rights ang naganap na pamamaslang sa kamay ng isang alagad ng batas na dapat ay nagpoprotekta sa publiko. Paiimbestigahan naman ng regional office nito ang insidente.

“It is unacceptable when they are the ones being at the forefront of perpetuating such human rights violations. This incident reechoes our call to the government urging for the conduct of widespread investigations on every allegation of arbitrary killing,” pahayag ni CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia.

Umapela rin ang CHR sa publiko na huwag pagbuntungan ng galit ang anak ni Nuezca tulad ng pagpo-post online ng mga larawan at pangalan ng bata sapagkat maaari itong magdulot ng malalang trauma sa nasabing bata.

Samantala, kinundena naman ni Interior Secretary Eduardo Año ang pangyayari, subalit iginiit na isa itong “isolated” crime na hindi dapat gawing panlarawan para sa buong hanay ng kapulisan.

“This is an unfortunate but isolated incident… The sin of Nuezca is not the sin of the entire Philippine National Police,” pahayag ng kalihim.

Hindi naman sinang-ayunan ni House Deputy Minority leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate ang naging pahayag ni Año ay binigyang diin na ang “kill, kill, kill culture” ng pulis at militar sa ilalim ng Duterte administration ang naghikayat sa lumalalang estado ng impunity sa bansa.

Batay sa tala ng PNP, dati nang naharap si Nuezca sa anim na kaso sa kanyang 10 taon sa serbisyo. Ito ay kinabibilangan ng grave misconduct, serious neglect of duty, refusal to undergo a drug test, isang kasong administratibo, at suspension. Na-dismiss naman ang dalawang kaso ng homicide na isinampa laban sa kanya noong 2019 dahil sa “lack of substantial evidence.”

Samantala, iginiit naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na makalulusot ngayon si Nuezca sapagkat matibay ang ebisdensiya laban sa kanya dahil sa nag-viral na video. Hindi rin aniya poprotektahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Nuezca dahil ang nagawang krimen ay hindi konektado sa serbisyo bilang pulis.

“Ang pulis na iyan ay hindi pwedeng mag-invoke ng kahit anong depensa na may kinalamaan ay kaniyang tungkulin,” sabi ni Roque sa isang briefing.

Dagdag pa nito, “Ito ay tatratuhing ordinaryong murder cases at iimbestigahan, kakasuhan, lilitisin, at mapaparusahan po natin iyang pulis na iyan. No ifs, no buts. Magkakaroon po ng katarungan dahil nakita naman natin ang ebidensya ng pangyayari. Hindi po iyan poprotektahan ng Presidente.”

LATEST

LATEST