Lorenzana, tinanggihang babalik sa modified ECQ ang Metro Manila

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Defense Secretary Delfin Lorenzana

Iginiit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana noong Sabado na walang naging kapasyahan o rekomendasyon para muling isailalim ang Metro Manila sa mas mahigpit na quarantine restrictions, habang itinangging posible itong ibalik sa modified enhanced community quarantine.

Ayon sa kalihim, nakatanggap ang Inter-Agency Task Force on Covid19 at ang national task force ng balita tungkol sa umano’y muling pagbabalik ng Kalakhang Maynila sa MECQ noong Sabado. Isang hindi pirmadong dokumento ang kumalat sa social media groups tungkol dito.

“This is not true,” paglilinaw ni Lorenzana.

Dagdag pa nito, “I would like to inform the public that the current situation in Metro Manila is stable and manageable and does not warrant a shift back to MECQ.”

Sinabi naman ni Metro Manila police chief Brig. Gen. Vicente Danao na hindi opisyal ang dokumentong kumakalat sapagkat wala itong pirma.

Idiniin ni Lorenzana na ang general community quarantine status sa Kalakhang Maynila ay mananatili hanggang sa dulo ng taon alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pinaalalahanan din ng kalihim ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa minimum health protocols.

Noong Biyernes, naalarma si Interior Secretary at task force vice chairman Eduardo Año sa pagtama ng bansa sa 2,122 na mga panibagong kaso ng Covid-19 sa isang araw, ang pinakamataas na naitala sa mahigit isang buwan.

Sinabi nitong inaasahan ng pamahalaan ang pagtaas sa bilang ng mga kaso apat o limang araw matapos ang Pasko at itinuro naman ang dahilan ng maagang surge sa pagiging kampante aniya ng mga Pilipino sa panahon ng Kapaskuhan.

Ayon kay Año, susuriin pa ng task force kung kinakailangang ipasara ang ilang establisyimento tulad ng shopping malls kung saan nilalabag ng mga customers ang physical distancing.

LATEST

LATEST

TRENDING