Gov’t employees, makakukuha ng ₱10,000 incentive ngayong taon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Inanunsyo ng Malacañang noong Lunes na ang mga empleyadong regular, contractual, at casual ng pamahalaan ay may karapatang makatanggap ng incentive na aabot sa ₱10,000 ngayong taon.

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order No. 37 na nagpapahintulot sa paglalabas ng extra benefits noong Biyernes, paglilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ang karagdagang bayad ay layong kilalanin at hikayatin ang “unwavering commitment and dedication” ng mga kawani ng gobyerno sa pagbibigay ng serbisyo publiko. Isa rin itong paraan upang bigyan ng “motibasyon” ang mga manggagawa.

Ang mga empleyado sa ilalim ng Executive Department, tulad ng mga nasa national government agencies, state universities at colleges, at state-run corporations ay makatatanggap ng incentive.

Makakukuha rin ng nasabing incentive ang mga military at police personnel, mga staff at opisyal ng Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Corrections, Philippine Coast Guard, at National Mapping and Resource Information Authority.

Sila ay hindi puwedeng makatanggap ng iba pang karagdagang yearend benefit para sa kasalukuyang fiscal year.

Upang ma-avail ang nasabing benepisyo, kinakailangang nasa ilalim ng government service ang manggagawa as of November 30 at nakapagtrabaho na ng isang buwan ngayong taon. Ang mga nakapagtrabaho ng kabuuan o aggregate na apat na buwan sa gobyerno ay makatatanggap ng buong ₱10,000, habang ang mga nagtrabaho naman ng mas maikling oras ay makatatanggap ng adjusted sum.

Ang mga empleyado namang nagtrabaho nang tatlong buwan ay makatatanggap ng 40% o ₱4,000, 30%, naman para sa dalawang buwan, at 20% para sa isang buwan.

Ang mga nakapagtrabaho naman nang hindi tataas sa isang buwan ngayong taon ay makakukuha ng 10%, o ₱1,000.

Samantala, ang mga walang employer-employee relationship sa mga state agencies o projects ay hindi maaaring makatanggap ng nasabing benepisyo. Kabilang dito ang mga consultants, outsourced laborers, at student workers.

Ang kautusan ng pangulo ay makapagbibigay ng ₱10,000 service incentive para sa mga empleyado ng Legislative, Judiciary, at local government kung makapagpapakita ito ng funding source para sa incentive.

Ang mga naturang incentive ay mailalabas simula Disyembre 21.

LATEST

LATEST

TRENDING