Valuenzuela mayor, nagpaalala sa mga kumpanya na isang ‘pribilehiyo’ lamang ang business permits

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Larawan mula sa: Inquirer

Matapos ang sigalot sa pagitan ng kanyang lungsod at ng NLEx Corporation bunsod ng mga isyu sa cashless payment system, pinaalalahanan ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang mga kumpanya na gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin.

Sa isang virtual briefing noong Sabado, binigyang diin ng alkalde na ang mga ibinibigay na business permits sa mga kumpanya ay hindi karapatan kundi pribilehiyo lamang.

Aniya, “[M]ay kaakibat yan na mga responsibilidad at isa doon, at pinaka-importante dun, ay pangalagaan mo yung kapakanan ng publiko sa pamamagitan ng pagbigay ng maayos at de-kalidad na serbisyo.”

Unang sinuspinde ng Valenzuela City government ang business permit ng NLEx matapos umalingawngaw ang mga reklamo galing sa mga motorista kaugnay ng mga isyu tungkol sa hindi gumaganang RFID sensors, na nakapagdulot ng matinding trapiko sa lungsod.

Naalis naman ang mabigat na trapiko bunsod ng suspensyon at tinanggalan din nito ng awtoridad ang NLEx na makapaningil ng toll fee.

Ipinag-utos naman kinalaunan ng alkalde ang conditional lifting ng business permit suspension ng NLEx matapos magkasundo ang dalawang panig tungkol sa fee collection policies. Tinatapos ng pangyayaring ito ang toll holiday sa lungsod.

“Hindi natin pinipili kung malaki ka, maliit ka — basta may mali ka, mali ka. Pagka hindi maganda yung ginagawa mo, talagang yang pribilehiyo ng business permit ay masususpinde o mare-revoke,” giit ni Gatchalian.

Pinasalamatan din ng alkalde si Pangulong Rodrigo Duterte para sa “pag-unawa” nito tungkol sa RFID isyu at sa pagkilala sa awtonomiya ng LGUs na inihayag niya sa kanyang public address kamakailan.

“[P]ati ako magagalit talaga and I understand this burst of anger, which is justified para matauhan kayo,” sabi ni Duterte tungkol sa naging hakbang ni Gatchalian sa NLEx.

LATEST

LATEST

TRENDING