DOH: Sumunod na pa rin sa health standards kahit may Covid-19 vaccine na

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire

Muling nagbigay ng paalala ang Department of Health (DOH) sa mga Pilipino na huwag maging kampante at panatilihin pa rin ang pagsunod sa public health standards kahit pa man makarating na sa bansa ang bakuna kontra Covid-19.

Idiniin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na isang hakbang lamang ang bakuna para maiwasan ang pagkakasakit sa Covid-19, subalit kahit dumating na ito, dapat pa rin umanong sundin ang public health standards. 

Aniya, “‘Yan ang aming pinaaalalahanan na hindi po porke may bakuna ay ‘wag na tayong mag-relax.”

“Kailangang maintindihan ng kababayan na kahit mayroon na tayong bakuna ay kailangan nang ituloy ang minimum public health standards,” dagdag pa ng opisyal.

Kabilang sa mga ipinatutupad na minimum health standards sa kaslukuyan ay ang pagsusuot ng face masks, face shields, physical distancing at paglilimita sa mga mass gathering. 

Idinagdag ni Vergeire na babantayan din ng mga LGUs ang pagpapatupad ng mga pailaw para sa Bagong Taon, na dapat ay alinsunod sa pandemic task force protocols. 

“Ito ay pinagusapan sa IATF (inter-agency task force) at ang ating protocols sa minimum health standards ay enforced. At babantayan maigi ng ating local governments na walang crowd sa mga pailaw na ito,” paglilinaw ni Vergeire. 

Sa ngayon, pitong kumpanya ang nakikipag-ugnayan sa pamahalaan para sa pagsuplay ng bakuna sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na nakahanda ring maglaan ang mga kumpanyang Moderna at Arcturus nang mula 4 hanggang 25 milyong doses ng kanilang mga bakuna.

Sinusuri rin ang mga bakunang Sputnik V ng Gamaleya Institute sa Russia, at Sinovac, Sinopharm at CanSino ng China. 

Unang binanggit naman ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. na ang unang batch ng vaccine supplies na dapat sana ay darating sa Pilipinas sa Enero ay napunta sa halip sa Singapore matapos may “maglaglag ng bola.”

Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson kinalaunan na si Health Secretary Francisco Duque III ang tinutukoy ni Locsin.

LATEST

LATEST

TRENDING