Malacañang, natanggap na ang 2021 budget bill mula sa Kongreso

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Natanggap na ng Malacañang ang kopya ng ipinapanukalang ₱4.5 trilyong 2021 national budget mula sa Kongreso noong Biyernes.

Nakatakdang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang General Appropriations Act bago mag-Pasko, giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Niratipikahan ng Kongreso ang budget bill noong nakaraang linggo matapos ang ilang buwang deliberasyon. Nagpatawag pa si Duterte ng special session para sa Kongreso at sinertipikahang urgent ang bill noong Oktubre bunsod ng sigalot sa House Speakership na naresolba sa pagkahalal sa bagong Speaker na si Lord Allan Velasco.

Kabilang sa national spending plan para sa susunod na taon ang  pondo para sa Covid-19 pandemic response at recovery, kabilang ang subsidies para sa mga nahihirapang industriya at pondo para sa pagbili ng bakuna.

₱72.5 bilyon ang inilaan para sa pagbili ng coronavirus vaccines, kung saan ₱70 bilyon dito ang kukunin mula sa loans o sa excess revenue collections.

₱1.1 trillion naman ang inilaan para sa infrastructure projects, na tinitingnang makapaglilikha ng maraming trabaho at makapag-aangat ng ekonomiya matapos itong lumagpak sa resesyon ngayong taon.

Makatatanggap ng pinakamalaking alokasyon ang edukasyon sa ₱708.2 bilyon, kasunod ang public works sa ₱694.8 bilyon. Ang pondo para sa kalusugan naman ay nasa ₱287.5 bilyon, ayon sa tanggapan ni Senate Finance Committee chairman Sonny Angara.

LATEST

LATEST

TRENDING