DepEd: Covid-19 vaccine, kailangan bago ang nationwide resumption ng face-to-face classes

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
DepEd Secretary Leonor Briones

Nilinaw ng Department of Education (DepEd) noong Miyerkules na bagama’t itinakdang mag-umpisa ang pilot testing ng face-to-face classes sa low-risk areas pagsapit ng Enero, pahihintulutan lamang ang nationwide resumption kapag dumating na ang bakuna kontra Covid-19.

“Kaya gusto namin i-pilot muna, titignan talaga kung paano ito uubra,” wika ni DepEd Secretary Leonor Briones sa isang briefing.

Dagdag pa ng kalihim, “Pilot muna bago pang-malawakan kung nandyan na si vaccine.”

Naunang ipinagbawal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang face-to-face classes hangga’t maging available na ang bakuna. Subalit, inaprubahan nito ang pagsasagawa ng pilot tests para sa face-to-face classes nitong linggo.

Ang nasabing dry run ay magaganap mula Enero 11-23, 2021 sa mga piling paaralan.

Inihayag ni Briones na mahigit 1,000 public schools ang ikonokonsiderang maaaring lumahok sa nasabing pilot study, subalit idinagdag na isasapinal na nila ang listahan. Sinabi rin nitong boluntaryo ang mga tests at kinakailangan ang pahintulot ng mga lokal na pamahalaan at mga magulang.

Sinabi naman ni DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan na 15 hanggang 20 mag-aaral lamang. mula sa dating 20 hanggang 40, ang papayagan sa isang silid-aralan upang masunod ang physical distancing.

Ang pilot tests ay dapat lamang aniyang idaos nang hindi tataas sa isang beses bawat linggo o salitan, ayon sa opisyal, habang idiniing magkakaroon pa rin ng learning from home sa ibang mga araw ng linggo.

Aniya, “We are giving our regions, based on their class management at saka instructional design nila, ng flexibility sa pag-schedule kung isang beses o dalawang beses sa isa o kada dalawang linggo ito.”

“Ito ay blended pa rin sa distance learning,” dagdag pa nito.

LATEST

LATEST

TRENDING