Hybrid election system sa bansa, isinusulong ni Marcos

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Sen. Imee Marcos

Iginiit ni Sen. Imee Marcos na hindi magiging transparent kahit kailan ang halalan sa bansa kung isasagawa pa rin ito sa pamamagitan ng fully automated election system (AES), na ginamit simula noong 2010.

Nag-sponsor noong Lunes si Marcos, chairperson ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, ng committee report na layong isulong ang isang hybrid election system, alinsunod sa inahaing panukala noong nakaraang taon ni Senate President Vicente Sotto III – ang Senate Bill No. 7 o ang Hybrid Election Act.

“Paano natin malalaman na tama ang pagkaka-bilang sa ating mga boto sa ilalim ng fully automated election system? Walang may alam,” ani Marcos.

Dagdag pa ng senadora, “Dapat bawat bahagi ng proseso ng eleksiyon ay bukas sa pagbusisi. Simula noong 2010, mas tinutukan natin ang bilis at ginhawa sa halip na bantayan ang transparency.”

Ikinadismaya ni Marcos ang mga naging iregularidad sa vote counting simula nang gamitin ang AES, kabilang na ang mas maagang transmisyon ng mga boto, foreign access sa mga election servers, paglalagay ng karagdagang devices na tinawag na “queuing server” habang nasa kasagsagan ng proseso ng pagta-transmit ng mga boto, script change sa gitna ng live na transmission ng mga resulta, at hindi kumpletong transmisyon ng mga resulta.

Iginiit din ng senadora na dapat i-extend ang timeline para sa paghahain ng certificates of candidacy mula gitna ng Oktubre hanggang ika-15 ng Disyembre bago ang halalan.

“Bahagi rin ng pagbabagong ito ay paglimita ng pagpapalit ng mga kandidato mula lamang sa mga kaso ng pagkasawi at diskuwalipikasyon, para hindi makasagabal sa timeline ng pag-iimprenta at pamamahagi ng balota sa lahat ng presinto sa kabuuan ng bansa,” sabi ng senadora.

Ang printing ng mga balota ay hindi na rin i-ooutsource kundi ipauubaya na lamang sa National Printing Office. Lalagyan din ito ng bar code, na puwedeng i-scan upang makita ang digital image ng balota at ma-authenticate, kung saan ito ang magiging bagong palatandaan ng mga opisyal na balota, dagdag ni Marcos.

Kapag magkaroon ng pagkakaiba sa vote count na aabot sa 2% sa pagitan ng mga naisumite manually at electronically, agarang magdaraos ng recount sa kinukwestyong posisyon.

Kahit na dagdag trabaho ang isinusulong na hybrid election para sa mga guro at election officers, idiniin ni Marcos na mas matimbang ang pagkakaroon ng pinaigting na transparency sa pagsasakatuparan ng halalan.

LATEST

LATEST