Duterte, sinertipikahang ‘urgent’ ang pagpapalawig sa validity ng 2020 badyet at Bayanihan 2

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Sinertipikahang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga panukalang magpapalawig sa validity ng 2020 General Appropriations Act at Bayanihan to Recover as One Act, na parehong nakatakdang mag-expire ngayong buwan.

Matapos ang anunsyo ng Malacañang, inaprubahan naman ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 6656, na layong i-extend ang availability ng 2020 badyet hanggang dulo ng 2021.

221 na mga mambabatas ang bumoto para sa extension habang anim naman ang tumutol. Mapapayagan nito ang pagpondo sa mga proyektong nahinto dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic.

Samantala, inaprubahan din ng Mababang Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8063, na magpapalawig naman sa Bayanihan 2.

179 kongresista ang sumang-ayon habang anim naman ang tumutol sa panukalang magpapalawig sa pagiging epektibo ng Covid-19 appropriations sa ilalim ng Bayanihan 2 hanggang Hunyo 30, 2021.

Ang Bayanihan 2 ay nakatakdang mag-expire sa Disyembre 19 kung kailan mag-a-adjourn ang Kongreso. Subalit, ₱105.78 bilyong pondo lamang mula sa inilaang ₱165.5-bilyon para sa pandemic response at recovery ang inilabas, batay sa huling datos ng Department of Budget and Management (DBM).

Hindi pa naipatutupad ang ilang programa tulad ng pagbibigay ng Covid-19 special risk allowance para sa pampubliko at pribadong health workers na “direktang tumutugon o nakikisalamuha” sa Covid-19 patients. Ito ay bukod pa sa matatanggap nilang hazard pay.

Unang inihayag ng economic managers na ang extension ng Bayanihan 2, kabilang ang 2020 badyet, ay makatutulong sa pagbangon ng ekonomiya sa susunod na taon. Kasalukuyang nasa resesyon ang ekonomiya ng bansa bunsod ng mga lockdowns na nakaapekto sa mga negosyo at manggagawa.

Niratipikahan naman kamakailan ng Kongreso ang ipinapanukalang ₱4.5-trilyong national spending plan para sa taong 2021, na kabilang ang pondo para sa pagbili ng mga bakuna kontra Covid-19 at ayuda para sa mga nahihirapang negosyo.

Inaasahang pipirmahan ito ng pangulo sa dulo ng taon.

LATEST

LATEST

TRENDING