DOH, pinagpaliwanag ang isang health facility dahil sa overpricing ng Covid-19 tests nito

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire

Napag-alaman ng Department of Health (DOH) na nilabag ng isang testing facility ang mandated price cap para sa Covid-19 tests, pahayag ni DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire noong Lunes.

Pinagpapaliwanag umano ang pasilidad, at kung makapagsumite ng ito ng sagot, pagpapasyahan aniya ng DOH kung dapat bang patawan ng kaparusahan ang nasabing pasilidad. Hindi naman ibinunyag ni Vergeire kung ang nabanggit na pasilidad ay pribado o pampublikong laboratoryo o ospital.

Aniya, “Tayo ay nagpadala na ng ating letter for them to explain, that is the initial thing we do. Hihintayin natin ano ang response nila, kung ang sagot nila — if it’s valid or not or if they should be penalized.”

Ang price range para sa swab tests sa mga pribadong ospital at laboratoryo ay itinakda sa ₱4,500 hanggang ₱5,000. Ang mga pampublikong pasilidad naman ay pinapayagan lamang nang hanggang ₱3,800. Batay sa kautusang inilabas ng DOH at Trade Department noong Nobyembre, ang mga ospital at laboratoryong lalabag sa price cap ay pagmumultahin nang hanggang ₱30,000 at papatawan ng license suspension nang hanggang isang buwan. Ang kanilang lisensya ay ire-revoke na sa ikatlong paglabag.

Sumang-ayon din si Vergeire sa suhestyon ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na ilathala ng DOH ang opisyal na test prices ng mga laboratoryo at mga ospital para matiyak ang “absolute pricing transparency.”

Maglalabas umano ang DOH ng kautusan para gawing mandatoryo sa mga pasilidad ang pagpapaskil ng mga presyo sa kani-kanilang websites, tarpaulins, o leaflets.

Idinagdag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na dapat ding mag-post ang mga laboratoryo kung ire-require ng mga ito ang karagdagang bayad para makatanggap ng certification. 

LATEST