Malacañang: Duterte, maingat na ire-review ang 2021 badyet

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Sinabi ng Malacañang noong Huwebes na ang maagang pagpapasa ng panukalang P4.506-trilyong 2021 national budget ng Kongreso ay makapagbibigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ng sapat na oras upang i-review ito.

Sa isang news briefing, iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na titiyakin ng Palasyo na “gagawin ang lahat ng hakbang” para maipasa ang 2021 General Appropriations Bill sa oras upang maiwasan ang reenacted budget scenario habang nasa gitna ng Covid-19 pandemic ang bansa.

Aniya, “Ang bibigyan po natin ng kasiguraduhan eh bibilisan naman po ng Palasyo ang pagsusuri sa budget para malaman kung mayroong mga specific line item na ibi-veto ang Presidente. Pero siyempre po lahat iyan mangyari ngayon na dahil kinakailangan magkaroon tayo ng budget pagdating ng a-uno ng Enero.”

Sinigurado ni Roque na gagamitin pa rin ni Duterte ang kanyang kapangyarihan na mag-review at mag-line veto.

“Pero hindi po isasakripisyo o isu-surrender ng Palasyo, ng Presidente, ‘yung kanyang kapangyarihan na pag-aralan ang budget at siguraduhin na walang dapat na item ng appropriation na dapat ma-veto,” dagdag pa nito.

Niratipikahan na ng Kongreso ang bicameral conference committee report para sa 2021 budget, na naglalaman ng pondo para sa calamity at Covid-19 response, kabilang ang P72.5 bilyon para sa procurement ng Covid-19 vaccines.

LATEST

LATEST

TRENDING