Lacson, binanatan ang mga ‘sakim’ na mambabatas na pinapairal aniya ang personal na interes sa 2021 badyet

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Sen. Panfilo Lacson

Ikinadismaya ni Sen. Panfilo Lacson noong Biyernes ang “pagsira” sa P4.5-trilyong 2021 national budget, at sinabing “hindi napigilan ng pandemiya at ang mapaminsalang epekto nito ang kasakiman ng ilang mambabatas” sa pagbibigay prayoridad sa kanilang pet projects sa halip na sa Covid-19 response programs.

Ang 2021 budgets ng ilang ahensya, kabilang ang pondong gagamitin sa pagbili ng Covid-19 vaccines – ay kinaltasan nang hindi bababa sa P28.35 bilyon matapos magpadesisyunan ng bicameral conference committee na dagdagan ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon kay Lacson na tanging senador na tumutol sa ratipikasyon ng 2021 national budget.

Aniya, “Even the leadership of the DPWH would agree na hindi nila kaya i-absorb [‘yung increase].”

“Kapag hindi involved ‘yung DPWH sa planning, ang resulta underutilization ng budget. How could they implement something, a project na hindi naman nila plinano?” dagdag pa ng senador.

Ang average annual fund utilization rate ng DPWH ay nasa 37 percent, batay sa datos na iprensenta sa Senado noon nakaraang linggo.

Ilang mga mambabatas umano ang nagnanais magpatayo ng imprastraktura sa kani-kanilang mga distrito hindi lamang para tulungan ang kanilang mga nasasakupan kundi pati dagdagan ang kanilang kinikita, wika ni Lacson habang hindi nagbanggit ng partikular na pangalan ng pulitiko.

“We know na mayroong corruption pagdating sa pet projects ng ibang lawmakers kaya pinupuno nila ng projects nung kanilang district,” sabi ng senador.

Dagdag pa nito, “Hindi lang dahil gusto nila tumulong sa district pero para malaki ‘yung project na ang contractor ay sila mismo o kapatid nila, kamag-anak nila.”

Kadalasang ginagamit ng ilang pulitiko ang kanilang kinikita mula sa construction projects para mangampanya para sa paparating na halalan, giit ni Lacson.  

Aniya, “As we all know, May of 2022 is elections. We can just speculate na preparation ito kaya nag-realign ng ganitong kalalaki ang congressmen.”

Ilan sa mga proyektong nasakripisyo dahil sa pagpapabor sa mga constructions projects ay ang National Broadband Program ng Department of Information and Communications Technology’s (DICT).

Unang humiling ang DICT ng P18 bilyon upang maglatag ng broadband cables mula Aparri hanggang Jolo at mula Palawan hanggang Samar para hindi na magbayad ang pamahalaan sa telcos para sa internet services.

Sumang-ayon naman ang Kongreso na magbigay ng P5.9 bilyon sa DICT sa susunod na taon, subalit matapos ang ginanap na bicameral conference committee deliberations, mayroon na lamang hindi tataas sa P2 bilyon ang ahensya.

“This is important dahil may pandemic tayo, lahat ng kilos na ginagawa natin ay online,” diin ni Lacson.

Dagdag pa nito, “Kung maro-roll out ‘yung national broadband, free WiFi, ang laki ng matitipid ng government.”

Ang government savings ay hindi bababa sa P387 milyon sa unang taon at aabot naman ng P34 bilyon sa susunod na limang taon kung ipatutupad ang National Broadband program, ayon kay Lacson.

“Hindi ako sang-ayon sa sense of priorities,” pagbibigay diin ng mambabatas.

Nagbabalak naman ang senador na pormal na sumulat sa Malacañang upang mag-alok ng tulong sa pagtukoy ng “unreasonable reductions” at realignments sa ilalim ng 2021 spending bill.

Sa ilalim ng batas, puwedeng i-veto ng pangulo ang mga insertions na inilagay ng mga kongresista sa badyet.

Subalit, wala umanong kapangyarihan ang pangulo na i-realign ang pondo sa ibang mga proyekto kaya ang ilang importanteng Covid-19 response programs na nakaranas ng budget cuts ay “lost cause” na, bunsod ng “kapritso” ng mga pulitiko, paglilinaw ni Lacson.

LATEST

LATEST

TRENDING